NAGLUNSAD ang pamahalaang lungsod ng Navotas ng e-Konsulta telemedicine and online consultation program para malimitahan ang harapang interaksiyon sa pagitan ng mga pasyente at health care workers.
Sa pamamagitan ng programa, ang mga health professionals ng lungsod ay magbibigay ng payong pangkalusugan sa pamamagitan ng tawag o text o private message sa isang social networking site.
Sasagutin din nila ang mga tanong tungkol sa schedule ng check-up at maintenance medicines.
Simula nang magkaroon ng pandemya ng coronavirus 2019 (COVID-19), ginamit ng lungsod ang 11 health centers bilang extended out-patient department ng Navotas City Hospital (NCH).
Tanging mga kaso ng COVID-19 o emergency cases ang dinadala sa NCH.
“Sa pamamagitan ng e-Konsulta, nagiging mas madali para sa mga Navoteño ang access sa mga serbisyong medikal at pangkalusugan. Nakatutulong din ito para hindi nila kailangang lumabas at ilagay sa panganib ang kanilang kalusugan para lang makapagpa-check-up sa health center o hospital,” ani Mayor Toby Tiangco.
“Ang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa ating lungsod ang naghikayat sa atin para maging maparaan sa paghahatid ng serbisyong medikal at pangkalusugan. Sinisikap nating gawin ang lahat ng makakaya para maprotektahan ang ating mga nasasakupan, kabilang ang ating healthcare providers,” dagdag niya.
Bawat health center ay may nakatalagang focal person na mamamahala sa kani-kanilang social media account at mobile number. Ang mga focal persons ang sasagot sa mga tanong pangkalusugan at iba pang hinaing mula 8am hanggang 3pm araw-araw.
Ang mga gamot, reseta, at laboratory requests ay ihahatid depende kung saan nakatira ang pasyente o kung may libreng barangay health worker na naka-duty. Kung hindi ito maihahatid, maaaring kunin ito ng pasyente o kanyang kaanak ayon sa ibibigay na iskedyul sa kanila.
Ang Navotas ay nakapagtala ng 55 kompirmado, 172 probable, at 282 suspected kaso ng COVID-19 noong 6 May, 10:00 pm. (JUN DAVID)