MAGKAHALO ang nararamdaman ng singer/composer na si Gari Escobar sa paglabas ng bago niyang single na pinamagatang From Friends to Lovers.
Saad niya, “Ire-release na po digitally sa April 17 ng Ivory Music ang single ko na From Friends to Lovers. Para po ito sa mga umiibig sa kaibigan nila. Nangyayari talaga iyan, suwerte lang kung matiyempuhan mo na mahal ka rin niya o may gusto rin siya sa iyo, or else, ang sakit niyon.”
“Na-experience ko na yun hindi lang dalawang beses. Ang naging diversion ko ay ang paggawa ng songs. Kailangan kasi para hindi ka ma-depress,” dagdag pa ni Gari nang maka-chat namin siya.
Nabanggit din niya na mixed emotions ang pakiramdam niya na kahit may ECQ sa buong Luzon ay ire-release digitally ang kanyang single.
“Mixed emotions po ako kuya Nonie, magkahalo ang lungkot ko at saya. Pero yung lungkot ko sa nangyayari sa mundo ay dina-divert ko sa positive, yung kung paano ako makakatulong sa mga nangangailangan, hindi lang sa frontliners, sa simpleng maaabot lang po ng makakaya ko.
“Plus, lagi po akong nananalangin na hindi po tayo pabayaan ng Diyos at patuloy tayong bigyan ng guidance, mga biyaya, pananampalataya, at tapang na harapin ang bukas at ano mang challenges na nangyayari sa atin ngayon, pati ang mga darating pa.”
Si Gari ay isang licensed real estate broker na noong 1990’s ay isa sa top brokers ng Moldesk Realty na every month ay tumatanggap ng recognition.
Kamakailan ay nag-launch ng kanyang album si Gari, available na ngayon ang self-titled album niya mula Ivory Music. Ito ay mayroong 12 cuts na kinabibilangan ng mga awiting Baguio, Dito Sa Piling Ko, Tama Na, Habang Nandito Pa Ako, From Friends to Lovers, Hanap Ko Pa Rin, Ayoko na Sayo, Ayaw Kong Makita Ka, Hindi Ka Na Muling Mag-iisa, Isang Halik Pa, Masisisi Mo Ba, at Lumaban Ka na karamihan ay siya mismo ang sumulat.
ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio