NERBIYOS na nerbiyos siguro sa panahong ito ang bagong ina na si Ethel Gabison, na higit na kilala bilang ang comedian-singer na si Ethel Booba.
Sa tindi ng nerbiyos, itinatwa n’yang siya ‘yun “Ethyl Gabison” na may sikat na sikat na Twitter account na umabot sa mahigit sa 1.6 million ang followers. “Fake” raw ‘yon. Wala raw siyang kinalaman sa account na ‘yon. Ginamit lang ang pangalan n’ya ng kung sino man.
At ni wala siyang kinita sa Twitter account na “IamEthylGabison.”
Noong April 9 n’ya ini-announce na fake ang account na ‘yon. Sa Instagram naman n’yang @ethelbooba ini-announce na fake ang Twitter account na “IamEthylGabison.” Naglabas siya sa IG n’ya ng camera shot ng “IamEthylGabison” at pinaskilan ng babala na “Fake account.” Inilabas din n’ya ang pagtatatwa sa Facebook page n’yang @ethelbooba2020.
Actually, noong April 2 pa huling lumabas ang “IamEthylGabison” Twitter account. Ang huling tweets ni Ethel noong April 2 ay may kinalaman sa hirap tungkol sa pagbabayad ng buwis. Ani Ethel, malaking pasakit na nga ang “monthly subscription,” o pagbabayad ng buwis kada buwan, pero hinihingan pa rin ang mamamayan ng “ambag.”
Ang reputasyon ni Ethel sa showbiz ay isang babaeng walang-takot, walang preno. Sa pagtatatwa n’yang kanyang “IamEthylGabison,” obvious na bigla siyang nagkaroon ng takot.
Ang takot na ‘yon ay malamang na may kinalaman sa pagiging isa na n’yang ina ng sanggol na babae na isinilang niya noong Pebrero lang. Ibinalita n’ya ang panganganak n’ya sa mismong Twitter account na “IamEthylGabison.”
Walang-takot din n’yang inamin sa madla na ‘di siya kasal sa ama ng anak n’ya na isang chef sa Boracay. Relaxed na relaxed silang nag-guest ng boyfriend n’ya sa ilang TV shows. Parang wala silang nabanggit saan man na may balak silang magpakasal.
Hindi nakahiligan ni Ethel na maglabas sa social media ng litrato ng baby n’ya. Parang isang beses pa lang kaming nakakita ng litrato ng sanggol (at bilang paggalang sa sanggol na ‘yon kaya ‘di namin binabanggit ang pangalan nito).
Mahihirapan si Ethel na itangging may kinalaman siya sa Twitter ni “IamEthylGabison” dahil noong ginawa itong libro ng Viva Books, noong 2016 ay dumalo siya at nag-guest sa ilang TV shows, kabilang na ang tinitingalang Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) ng Kapuso Network. (At ilang araw lang ang nakararaan ay naglabas ng report ang GMA News website tungkol sa interbyu ng KMJS kay Ethel noong inilunsad ang librong #CHAROTISM the wit and wisdom of Ethel Booba na naglalaman ng collection ng sikat na tweets ni Ethel tungkol sa politics, showbiz, love, at beauty tips.
Sa totoo lang, walang netizens na naniniwalang walang kinalaman si Ethel sa sumikat na Twitter account na ‘yon. Pero maraming naniniwalang may gumigipit at may nananakot sa kanya kaya itinatwa n’ya ang “IamEthylGabison.”
Kung isa kayong bagong ina ng isang sanggol na magtatatlong buwan pa lang, dapat ding kayong matakot at magtatwa.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas