TALAGANG inililigtas ng Maykapal sa pagsasamantala ng masasamang nilalang ang mga tao na kasimbuti nina Angel Locsin at Neil Arce.
Sa gitna ng mga problema ngayon na ‘pag ‘di nabigyan agad ng solusyon ay mauuwi sa kamatayan ng marami, may mga nilalang pa rin na ang makapanloko ang tanging layunin sa buhay.
Ilang araw lang ang nakalipas, may mga tao na gumawa ng Twitter account na pinangalanan nilang “Angel Locsin Staffed.”
Nag-post ang may-ari ng account ng mensahe na kung gusto nilang makatanggap ng tulong mula kay Angel, pwede silang pumili kung cash na P1, 500 ang mas kailangan nila kaysa food pack.
Ineengganyo ng nag-post na makipag-communicate sa kanya at ibigay ang mga pangalan nila, kinaroroonan, at kung alin ang mas mapakikinabangan nila: cash o relief goods.
Ang balak siguro ng manloloko ay ‘pag marami na siyang nakolektang pangalan at address, makikipagkita siya kay Angel, o sa kung sino mang totoong miyembro ng staff ni Angel, at hihingin n’ya ang mga cash at relief good. Magpapanggap siyang nagmamabuting-loob na siya na ang maghahatid ng tulong sa mga address na nakuha n’ya.
Walang nangyari sa modus n’ya. Na-monitor agad ni Angel ang tweet na ‘yon at agad ini-report sa Twitter na wala siyang kinalaman sa “Angel Locsin Staffed” na ‘yon.
Bago namin isulat ito ay tiningnan din namin kung mayroon pang ganoong account. Wala na.
Parang ‘di na muna pinaglaanan ni Angel ng panahon na paimbestigahan sa mga awtoridad kung sino (o sino-sino) ang nasa likod ng attempt na ‘yon na gamitin ang pangalan n’ya. Pagka-re-post n’ya sa Twitter n’ya ng babala na wala siyang kinalaman sa “Angel Locsin Staffed” account, ang mga sumunod na post n’ya ay tungkol sa nalikom na pera ng fundraising project n’yang Unitent.ph na naglalayong magtayo ng tent sleeping quarters sa compound ng mga ospital na nanggagamot ng Covid-19 patients.
Ang mga tent ay para matulugan ng frontliners na mga doktor, nurse, technicians at iba pang hospital personnel na ‘di na makauwi ng bahay o hinaharang na ng mga kapitbahay, ka-compound, o ka-building nila na dahil sa takot nilang may mga corona virus na rin ang frontliners.
Ibinalita ni Angel na lagpas na sa P3-M ang nalikom nila at magagamit nila ang pondo para magtayo ng tent sleeping quarters sa 28 ospital na humingi na ng tulong sa kanila. Inilabas n’ya sa Instagram ang listahan ng mga ospital at listahan ng mga perang pumasok sa bank account ng project sa isang sangay ng East West bank.
Ano mang sumobra sa pondo ay gagamitin pa rin ni Angel sa pagtatayo ng sleeping facilities sa iba pang mga ospital.
Ang Twitter ni Angel ay @redangel143.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas