KUMUSTA?
Sa pagpasok ng linggong ito, sabay putok ng balita na umabot na sa 9,172 ang pinatunayang kaso ng coronavirus disease (COVID 19) sa Italya.
O, mula sa 97, umabot sa 463 ang namamatay na Italyano.
O 60% sa kanila ang pumapanaw araw-araw.
Dinaig na nga nila ang mga taga-South Korea.
Kaya, nagpasiya ang Prime Minister ng Italya na si Giuseppe Conte na ilagay ang buong bansa nila sa “lockdown.”
Naka-kuwarantena, katunayan, ang hilagang bahagi ng Lombardy at 14 kanugnog na lalawigang nasa 16 milyon ang nakatira.
Lumawak, este pinalawak, ang “restriction zone” upang sakupin ang Italyang may 60 milyong populasyon.
Inaasahang tatagal ito hanggang sa Abril 3.
Diumano, hahayaan pa rin ng pamahalaan na pumasok at umuwi mula sa trabaho ang mga tao, sa mga pampublikong transportasyon, subalit lagi’t lagi silang sisitahin ng pulisya para tanungin kung ano ang kani-kanilang dahilan sa paglalakbay.
Matatandaang malayo na rin ang narating ng COVID-19 mulang Wuhan, Tsina noon pang huling bahagi ng 2019.
Nasa 111,000 na ang mga naapektuhan ng impeksiyon nito.
Humantong ito sa pagkamatay ng 3,900.
Italya, sa ngayon, ang may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa labas ng Asya.
Isinara na rito ang mga paaralan, museo, teatro, at paliguan.
Nakakandado na rin ang Louvre, Legoland, at ang tatlong Disneyland doon.
Kahit ang mga kasal at libing ay ipinatigil na rin.
Wala nang malalaking okasyong magaganap.
Bayan ng multo, wika nga, ang destinasyon ng mga turista roon.
Sa gulong ito, dumagdag pa ang mga bilanggong nag-alboroto, nagsimula ng sunog, at nagawang tumakas.
Sa paglalà ng problema, pinababalik na rin nila kahit ang mga retiradong doktor at pinagtatapos na nila kaagad ang mga estudyanteng nars.
Kaya lang, ang mga overseas Filipino workers (OFW) doon ay hindi itinuturing na bayani kundi tinatratong biktima.
Ilan sa ating kabayan ay napagkakamalan pang Tsino.
Dumalas daw ang paglayo o pag-iwas sa kanila sa loob ng mga pampublikong sasakyan.
Ang siste, nangyayari ito kahit sa mga Filipinong residente na nang higit pa sa 30 taon.
May isang buong pamilya nga raw na hindi pinagsilbihan para mananghalian sa isang restawran.
Isang waiter naman daw itong si Demetrio Elida na dahil singkit ay halos binulag sa bugbog ng tatlong lalakeng Caucasian.
Sa kabilang banda, may isa pang nagngangalang Brandon Diaz, ang umano’y kinuyog ng apat na lalake, binugbog at pinapalayas sa Italya.
Lahat dahil sa xenophobia.
At sinophobia.
Sino ba itong may phobiang Italyano na basta nanuntok sa mukha ng isang lalakeng naka-jacket at pantalong itim sa isang drogheria?
Gumanti ito habang sumisigaw nang paulit-ulit sa wikang Italyano: ”FILIPINO AKO!”
Hindi ba nila alam na iisa ang pinanggalingan nila at ni Marcelito Pomoy na kumakanta ng The Prayer at iba pang awitin sa Italyano?
O mio dio!
Paano kaya kung ako iyon?
Di kaya magdilim din ang aking paningin?
Sa awa ng Diyos, hindi naman ako nakaranas ng ganitong diskriminasyon nang mapadpad ako sa Milan noong 2013, makaraang dumalaw ako sa mag-asawang Louie at Helen Spanoghe ng Belgium.
Kinatawan ako noon ng bansa sa CUT International Performance Art Festival sa Berlin — at dahil nga may Schengen Visa na rin lamang ako — minabuti kong sumaglit sa nabanggit kong kaibigang nasa Brussels na nagregalo sa akin ng isang tiket ng eroplano patungong Italya.
Doon ko — sa Galleria Vittorio Emanuele II na isinunod kay Haring Victor Emmanuel II na tokayo ko — nakilala ko si Ima na isang Kapampangang modista na dating nagtatahi ng haute couture doon.
Sinamahan niya ako sa isang abot-kayang kainan.
Dahil nga nakatipid ako, inilibre ko na siya ng merienda cena.
Sa hapag, nagkuwento siya nang nagkuwento muna ng tungkol sa buhay ng iba’t ibang Filipino roon, saka niya isinalaysay ang kaniya.
Napag-alaman ko na tumanda siyang dalaga dahil nga, aniya, inuna niya ang kapakanan ng kaniyang pamilya.
Ginamit niya ang kaniyang galing bilang mananahi, lalong-lalo na sa pagbuburda ng mga gown, upang mapagtapos ng pag-aaral ang kaniyang mga kapatid.
Akala niya matatapos na ito roon pero ‘di niya inaasahang aasa pa rin pala sa kaniya ang mga pinag-aral niya pagdating sa pagpapaaral pa ng kanilang naging anak.
Anak ng pitumpu’t pitong puting lobo!
Kaya, kahit retirado na siya, ayaw na niyang umuwi sa Pampanga.
Bakit pa?
Aniya: ”Aro Dios ko!”
Nangingilid ang mata ko sa luha habang sinusundan ko ang itinuro niyang sakayan ng tren.
Sa paglabo ng aking paningin, naglaho rin siya sa aking pagliko.
Mulang estasyon hanggang paliparan, ang tindi ng dikit sa akin ng pabango niyang kasintapang ng sa sarili kong ina.
Nang sumakabilambuhay si Mama noong 2014 sa gulang na 85, nagunita ko rin si Ima.
Sila kasi ay magkasintanda.
At magkamukha.
Sumagi muli sa isip ko si Ima — ngayong nagkulong mula sa mundo ang Italya.
Nasaan na nga kaya siya?
Alam ko mahal na mahal siya ng mga Italyano.
At mahal na mahal din niya ang mga Italyano.
Magaganda ang kaniyang mga kuwento tungkol sa kaniyang mga kapitbahay roon.
Sayang.
Ni ha ni ho wala akong narinig kay Ima.
Kung kailan mayroon nang OFW Watch Italy.
Ito ang isa sa pinakamalaking organisasyon sa Italya na nagbubuklod-buklod sa mga samahang hindi lamang mulang Milan kundi pati Genova, Modena, Trieste, Bologna, Napoli, Rome, Florence, at iba pang lugar sa rehiyon.
Ngunit paano kaya kung nagka-COVID-19 si Ima, ano kaya ang tingin nila sa kaniya?
Ito ang sakit na dala ng virus na ito.
Hindi lamang ito pisikal.
Sikolohikal ito.
Kung hindi man espirituwal.
Walang iniwan ito sa takot.
O di kaya’y poot.
Ang hapdi ng sapak sa Pinoy ng di-kilalang Italyano sa video!
Ramram ko ang ngalit ng dayuhang — galit sa isa pang dayuhan.
Pero paano naman ang napagbintangang kababayan kong nandarayuhan?
Sa ngalan ng pamilya?
At bayan?
Naalala kong bigla ang mga pinaggagagawa naming laro sa salita noong bata.
I.T.A.L.Y.
I Trust And Love You?
Kung makapagkakalat tayo ng pag-ibig — na kasimbilis ng pagkahawa natin sa COVID-19 — tiyak walang kasing-ganda ang daigdig na ito.
KUMUSTA?
ni Vim Nadera