“ANG daming mga artista riyan nagpipilit na magpa-sexy, hindi naman sexy. Pero ang mga artista ko ano mang tingin ang gawin mo talagang sexy. Hindi na kailangang magpa-sexy, kasi nga sexy na sila,” ang sabi ni director Joel Lamangan tungkol sa mga artista niyang sina Marco Gumabao, Lovi Poe, at Tony Labrusca Roon sa pelikula niyang Hindi Tayo Pwede.
Hindi namin nakita iyong ibang mga eksena, pero iyong love scene nina Lovi at Marco na isinama nila sa trailer, sensual talaga ang dating. Torrid kissing eh.
“Bakit hindi ba natural lang naman ang ganoong klase ng halikan sa isang magkarelasyon, eh iyong eksena naman nasa isang private na lugar sila. Wala namang nakitang malaswa sa kanilang ginawa at kailan ba naging malaswa iyong halikan lang naman,” sabi pa ni direk Joel.
Pero sigurado, sapat ang eksenang iyon para matawag ang pansin ng mga tao. Si Lovi naman isa talaga sa pinaka-sexy noon pa man. Eh iyang si Marco, mukha ngang siya ang bagong male sex symbol ngayon sa pelikula. Bago iyong presscon, nagkaroon muna sila ng mall show at nasaksihan namin mismo kung paano tilian ng mga babae, at niyong mga “akala ay babae rin sila” nang lumabas na si Marco.
Palagay namin aangat din nang husto iyang batang iyan, dahil sabi nga ng kanyang director, may personalidad at may kakayahang umarte. Iyon naman ang mahalaga.
Tama si direk, may mga artistang nagpapasexy pero hindi naman sexy. Mayroon ding artista na hindi naman marunong umarte talaga kahit na sinasabing artista sila.
HATAWAN
ni Ed de Leon