TINARAYAN si Robin Padilla ng isang ABS-CBN executive dahil sa Instagram post ng aktor na nagpapayo sa mga taga-Kapamilya Network na huwag nang maingay na tumutol sa petisyon ng Office of the Solicitor General sa Supreme Court na huwag nang i-renew ang franchise ng network dahil sa mga umano’y paglabag sa ilang provision ng broadcast franchise law.
Hintayin na lang daw ng mga artista, executive, at empleado ng network na matapos ang proseso.
Binigyang-diin pa ni Robin na ipagtapat ng mga executive kung magkano ang mga suweldo nila, kompara sa mga manggagawa ng network.
Ang executive na nanaray kay Robin ay si Ethel Espiritu, hepe ng Dreamscape Digital Original Content Line Productions ng ABS-CBN. Nagtaray ang hepe sa social media account n’ya.
Pahayag ng executive: “Ganito na lang, mahabang panahon ka ring nagtrabaho sa ABS-CBN (kasama ang asawa mo, kapatid mo, mga pamangkin mo at ang tinatawag namin nung Kamaganak Corp).
“Sa haba ng panahon na ‘yun, if may napansin ka na pa lang mali sa pamamalakad, especially sa mga trabahador, bakit hindi mo pinaglaban?”
Hinamon din n’ya ang mister ni Mariel Rodriguez na ibunyag kung gaano kalaki ang talent fee n’ya sa bawat araw ng taping ng mga show na ginawa n’ya sa Kapamilya Network.
Buga ng executive: “Isa pa, kontrata pala hamon mo. Napakalaki ng per taping day sahod mo.
“Kung talagang makabayan at makatao ka, eh ‘di dapat pala shinare mo sa kanila ang blessings mo. Lahat ng issues mo, dapat pala nun mo pa pinaglaban. San ka nun? Sino presidente nun? Ahhh. Okay. Noted.”
Inamin ni Ethel na magkaibigan sila ni Robin mula pa noong 1991, at itinuring na n’ya at ng network si Robin na kapamilya na.
Habang isinusulat namin ito, wala pang reaksiyon si Robin.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas