ANG sinasabi nilang kaibahan nina Ronnie Alonte at Loisa Andalio ay talagang magsyota sila. Hindi sila magka-love team lamang para sa kanilang pelikula, o tv show. Ang relasyon nila ay hindi “for show “ totohanan iyon.
Iyon ang sinasabi nilang advantage rin ng kanilang pelikulang James and Pat and Dave, dahil hindi mo masasabing arte lang ang performance nila, dahil totoo nga ang relasyon. Siguro ang hindi lang totoo roon ay iyong mayroong third party, at lalong hindi totoong ang third party ay si Donny Pangilinan. In fact ang sinasabi ni Donny, supported niya hindi lang ang pelikula kundi pati na ang relasyon nina Ronnie at Loisa.
May nagsasabi namang may disadvantage rin naman iyon. Paano may ibang leading man na si Loisa, o may ibang leading lady na si Ronnie? Baka wala nang maniwala sa kanila. Kaya nga ang pakiusap ni Ronnie, kung sakali at bibigyan sila ng project, “baka puwedeng kami na lang muna ang partners.”
Ganoon din naman ang sinasabi ni Loisa, na baka mailang siya kung hindi si Ronnie ang leading man niya, lalo na sa isang love story.
Ewan kung ano ang magiging dating niyan sa publiko, dahil kung natatandaan ninyo, noong gawin ni direk Ted Boborol iyong sinundan niyang Vince, Kath and James, hindi naman magsyota pa sina Joshua Garcia at Julia Barretto. Naging magsyota sila later on, pero ngayon break na rin sila.
Mas magugustuhan ba ng mga tao iyong talagang magsyota na, o iyong magiging magsyota pa lang? Malalaman natin iyan.
HATAWAN
ni Ed de Leon