HAPPY at pressured si Kate Valdez na isang Barbie Forteza ang kasama niya sa show (at kapantay ng role at billing).
“Hindi naman, ako naman base sa experience ko, masasabi ko na marami na ring natutuhan si Kate kahit paano,” umpisang reaksiyon ni Barbie tungkol dito.
Bida silang pareho (as Caitlyn and Ginalyn, respectively) sa Anak Ni Waray vs Anak Ni Biday ng GMA. “Nakikita ko sa kanya na parang gustong-gusto niya talagang matuto, palatanong siya sa akin, kay direk, kung ano ‘yung mas makabubuti sa eksena, ganyan. At saka para sa kanya there’s no nothing scene, parang ganoon.
“Kahit ba nagva-vlog lang kami kunwari, talagang sineseryoso niya lahat ng bagay, na para sa bagets na katulad niya, eh malaking bagay ‘yun, and isa ‘yun sa mga ugali ng mga artistang you will look up to in the future ‘di ba.”
Tinanong naman namin si Barbie kung paano api-apihin ng isang Dina Bonnevie? Nasa show din sina Dina (as Sussie na ina ni Kate) at Snooky Serna (as Amy na ina naman ni Barbie).
“‘Di ba? Tapunan agad ng kape? Bago kami mag-take, nakatatawa kasi sabi ni Ms. Dina Bonnevie… sabi niya, ‘Direk parang I don’t want to do this, parang I don’t want to pour the coffee over her because the people will hate me, the Ilokanos will hate me and I don’t like that!’
“So ‘yung mga ganoon,” at tumawa si Barbie. ”Nakatatawa lang kasi conscious pa siya, na isa nga siya sa mga poste ng industriya eh conscious pa siya sa iisipin ng mga tao.”
Baka takot si Dina sa mga Barbienatics, na baka ayaw niyang ma-bash ng fans ni Barbie? ”Ganung level? Hindi naman, maipagyayabang ko naman na hindi ganoon ang ugali ng aking mga kaibigan.”
Ang Anak Ni Waray vs Anak Ni Biday, ay may Dina na, may Snooky pa, may Celia Rodriguez (as Zenaida) pa.
“I know! Bigatin! Kumbaga parang name a big star, kasama ko ‘yan. Sir Jay Manalo (as Joaquin) of course, Teresa Loyzaga (as Dorcas).”
Kanino mapupunta si Migo Adecer sa ending? Si Migo (as Cocoy) ang nag-iisang leading man sa show. ”Hindi pa namin alam kung paano ‘yung rapport naming dalawa, rapport naming tatlo kasama si Kate, so depende pa, siyempre depende sa pagtanggap ng viewers kung sino ang mas swak, baka kami ni Kate,” at muling tumawa ang Primetime Princess ng GMA.
Ano ang Christmas gift nila sa isa’t isa ni Jak Roberto? “Binigyan niya ako ng necklace para close to the heart,” at muling tumawa si Barbie.
Ano naman ang ibinigay niya sa boyfriend niya? ”‘Yung mic na pang-vlog, kasi compatible siya sa camera at saka phone, eh noong nag-Japan kami naghanap siya ng ganyan pero wala siyang makita.”
Microphone lang, walang kasamang camera? “Mayroon na siyang camera, at saka ‘yung parang magic mic ng Apple, mga pang-vlog.”
Ano na kaya ang niluluto ni Jak para sa Valentines? ”Ay, talagang mahanda siya!”
Nagluluto na walang shirt? ”Ay ganoon? Ang aga! Ha! Ha! ha!”
Laging may paandar o sorpresa si Jak para kay Barbie tuwing may okasyon. “Ay, oo! In fairness naman sa kanya. Old-fashioned naman siya.”
Magtatatlong taon na ang relasyon nila at masuwerte si Barbie Kay Jak. “I know! Uy, wait lang naman! Para namang siya lang ang suwerte! Ha! Ha! ha! Hello!”
Anong reaksiyon niya kapag may nagsasabing ang suwerte niya dahil ang sarap-sarap o yummy si Jak na tinaguriang Pambansang Abs?
“Hindi ko naman itinatanggi ‘yun, pero as I said, bakit parang si Jak lang… eto, hello! Parang ako rin naman! Ha! ha! ha! Parang masuwerte rin naman si Jak!”
Nakausap namin si Barbie nitong Martes, January 21, sa 17th floor ng GMA Network. Nasa Anak Ni Waray vs Anak Ni Biday din sina Jean Saburit (bilang Vanessa), Tanya Montenegro (bilang Glenda), Benedict Cua (bilang Benny), at Faith da Silva as Agatha. Sa direksiyon ni Mark Sicat dela Cruz, napapanood ito pagkatapos ng 24 Oras.
Natanong naman si Barbie tungkol sa mga basag-kotse na bumiktima sa kanila kamakailan. “Oo, sa ano ‘yun, T. Gener cor K-1st sa Kamuning.”
Bag ng ina niyang si Mommy Amy ang nakuha.
“Oo, bag ni madir na wala namang laman, so keri lang siya.”
Wala man lang datung or phone? “Naialis niya.”
Dahil?
“May ganoon kasi nanay ko… ‘di ba ang mga nanay mayroon siyang instinct na, ‘Alam mo madilim dito, so…” Ang bag mismo ni Barbie ay wala sa loob ng kotse nila. ”Dala ko, dala ko siya, hindi ko siya iniwan sa kotse. Mabuti na lang ganoon lang nangyari, hindi kami nasaktan, nakuha na ‘yun bag bago pa kami pumunta sa kotse, so walang aberyang nangyari.
“Siyempre ‘yung nanay at tatay ko safe naman, so okay na ‘yun, ‘yung sasakyan namin napagawa namin two days after, hindi namin napagawa agad kasi nag-taping pa ng ‘Daig Kayo Ng Lola Ko,’ so the day after pa niyon.”
Rated R
ni Rommel Gonzales