Sunday , December 22 2024

Taal

KUMUSTA?

Alam ba ninyo, sa taong ito, tatlong bulkan ang sumabog sa loob nang halos tatlong araw?

Noong 9 Enero, nagparamdam ang Popocatepetl — o “smoking mountain”  sa wikang Nahuatl – sa Mexico. Umabot ito sa antas na Yellow Phase 2 o ang yugtong pinagbabawalan ang lahat na lumapit sa bunganga ni “El Popo” na isa sa pinaka­peligrosong bulkan sa mundo  dahil ang kabahayan doon ay nasa 100-kilmetrong radius lamang.

Nagpakitang-gilas naman noong 11 Enero ang Mt. Shintake sa Kuchinoerabu Island sa Japan. Sumuka ito ng mga batong umabot sa 300 metro. Walang paglikas na iniutos sa 100 residente sa nasabing islang may sukat na 36 metro kuwadrado. Ito ay nasa 130 kilometrong layo sa timog kanluran ng Kagoshima Prefecture.

At nitong Linggo, 12 Enero, humabol sa paputok ng Bagong Taon itong Taal.

Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), umabot ito sa Alert Level 4 o “hazardous eruption imminent” na dulot ng paglindol, paglabas ng lava, pagbagsak ng mga bato, pagsingaw ng SO2, at pagpa­pakawala ng abo.

Kalahating milyon ang pinalikas palayo sa bulkang ito na nagbuga ng abo na 14 kilometro papaitaas.

Abot ang abo ng Taal sa Maynila na may 60 kilometro ang layo.

Nagdulot ito ng prehuwisyo sa pagdating at pag-alis ng eroplano at iba pang transportasyon.

Hindi lamang sa langit kundi sa lupa rin naging putik makaraang umulan sa loob at labas ng Batangas.

Inilalarawan ang Taal bilang munting bulkan pero isa ito sa pinakamapanganib sa buong daigdig.

Tinaguriang “Decade Volcano,” ang Taal ay inihanay sa Etna ng Italya.

At sa Vesuvius na noong Agosto 79 A.D. ay inilibing nang buo ang Romanong lungsod ng Pompeii.

Unang naitalang pagsabog ng Taal ay noong 1572, isang taon matapos gawin ng mga Espanyol na gobyernong kolonyal ang Maynila na naging punong lungsod din ng bansa.

Nasundan pa ito noong 1591, 1605161116341635, 1641, 1645, 1707, 1709, 1715, 1716, 1729, 1731, 1749, 1754, 1790, 1808, 1825, 1842, 1873, 1874, 1878, 1903, 1904, 1911, 1965 , 1966, 1967, 1968, 1969, 1970, 1976.

At 1977, isang taon pagkatapos magkaroon ng malakas na lindol at tsunaming tumangay sa 8,000 katao sa Mindanao.

Abo nito – na mukhang itim na niyebe – ang demonyo.

Delikado ito sa bagâ dahil may karit itong maliliit na bubog.

Ngunit, sa ganang-akin, si Kamatayan ay nagtatago sa loob ng mapagsamantalang Filipino.

Sila ang salaring tunay.

O ang kriminal na taal.

Umatake sila nang magkaubusan ng face mask, lalo na ng modelong N95, nang gawin nilang P200 kada piraso ang dating P20 lamang.

Sa kabutihang-palad, wala pa namang kinikitil ang Taal.

Kung mayroon man, ito ay ang mga ibong animo’y isinimento sa parang.

Na parang semento!

Hindi lamang mga hayop kundi mga halaman din ay damay.

Kapuwa ito dagok sa buhay at sa kabuhayan.

Lalo na sa mga magsasaka.

At mga mangingisda.

Siyempre, sa tuwing mababanggit ang Taal, ano pa bang sasagi sa isip kundi ang tawilis?

Nabubuhay lamang ito sa tubig-tabang ng lawa ng Taal (o dating lawa ng Bombon).

May habang 15 sentimetro at bigat na 30 gramo.

Dumadagsa ang tawilis mula buwan ng Abril hanggang Hulyo.

Matatandaang isinama na ang tawilis ng International Union for Conservation of Nature (IUCN) sa mga bingit ng paglaho.

Mas kilala bilang “sardinella tawilis,” ito ay papaunti nang papaunti mula pa noong 1998.

Una, dahil sa sobrang pangingisda.

Ikalawa, dahil sa ilegal na paggamit ng mga kasangkapang-pangingisda.

Ikatlo, dahil sa pagdagsa ng mga kulungan ng isda.

Ikaapat, dahil sa paghina ng kalidad ng tubig.

At, ngayon nga, ikalima, dahil sa pagsabog ng bulkan.

“Endangered” na noon pa man ang tawilis, kung tutuusin, at ang sanhi nito ang apat na salik na ito: “overexploitation,” “pollution,” “habitat degradation,” at “competition with other species in the lake.”

Maaaring sabihin na ang pagkawala ng tawilis ay likas.

Subalit, sa kabilang banda, ito rin ay likha.

Napag-alaman noon pa na ito ay pinapatay rin ng “aquaculture feeds,”  “domestic waste,” at  “unmanaged tourism of Taal Lake.”

Pinarusahan na ba tayo ni Inang Kalikasan sa ating mga kasalanan sa Taal?

Sa pamamagitan ng bulkan?

Ang tawilis ay hindi lamang “extinct in the wild.”

Kundi posibleng “completely extinct.”

Kalunos-lunos ito sapagkat endemiko o natatagpuan lamang ito dito sa Filipinas.

Sa pag-aaral noong 2017, ipinanukala ng IUCN na pangalagaan na natin nang maigi ang tawilis.

Kaya, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, may itinalagang “reserved area” sa lawa ng Taal.

Para lamang sa tawilis.

Doon, tanging tradisyonal na paraan ng pangingisda ang pinapayagan.

Ang hindi lumingon sa pinanggalingan, wika nga, hindi makararating sa paroroonan.

Mabuti na lamang at may panitikan.

Naging imortal ito dahil sa Noli Me Tangere.

Ang sagisag ni Gat Jose Rizal para sa tatlong martir na sina Padre Jose Burgos, Padre Jacinto Zamora, at Padre Mariano Gomez ay walang iba kundi tatlong tuyong tawilis!

Ito ang silbi ng sining.

KUMUSTA?
ni Vim Nadera

About Vim Nadera

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *