HINDI naman kami payag doon sa sinasabi ng mga basher na si Judy Ann Santos ang “flopsina queen”. Totoong mahina ang pelikula ni Juday nitong nakaraang festival na sinasabing kumita lamang ng P20-M sa 10 araw. Aba noong araw na hindi pa ganyan kamahal ang bayad sa sine, kung P20-M lang ang kikitain ng pelikula ni Juday sa isang araw problema na iyon. Magtatatalak na ang kanyang manager noong si Alfie Lorenzo.
Aminin natin na may panahong nahawakan ni Juday ang box office. Noong panahong ang ginagawa niyang mga pelikula ay kasama sina Wowie de Guzman, Piolo Pascual, Rico Yan at iba pang mga youngstar din, aba ang pelikula ni Juday hit sa takilya.
Ang napansin namin, noong medyo umiba na ng diskarte si Juday sa pamimili ng kanyang mga pelikula, roon na nagsimula ang problema. Tatlong pelikula lang naman ang masasabing talagang flop sa mga ginawa ni Juday. Una iyong Ploning, ikalawa iyong Kusina, at ngayon iyang Mindanao.
Kung pag-aaralang mabuti ni Juday, mas magtatagal ang kanyang career bilang isang artista kung gagawa siya ng mga pelikulang kumikita. Iyang mga ganyang mga pelikula “personal trip” lang iyan dahil nasasabing magaling ka, pero rito sa atin basta hindi ka kumikita wala ka na ring career kahit na may pelikula ka pa.
Hindi lang si Juday ang nagkaganyan. Maraming sumikat na pagkatapos nag-ambisyon ng mali kasi nga gusto naman nilang masabing best actress din sila. Ang kinalabasan, puro flop na ang mga pelikula nila. Kailan kaya nila maiintindihan na mas mahalagang gumawa sila ng mga pelikulang magugustuhan ng fans nila kaysa mga kritikong ang ginagamit naman sa sinehan ay mga passes at hindi nagbabayad?
HATAWAN
ni Ed de Leon