PALABAS na ang Star Wars, pero may mga sinehang ang palabas pa rin ay ang pelikula ni Aga Muhlach. Ibig sabihin patuloy pa ring kikita ang pelikula, at sinasabi ng mga observer na baka sakaling kung magpatuloy pa rin ang pasok ng tao sa pelikula ni Aga, malampasan niya ang record na P450-M ni Vice Ganda na nairehistro sa festival noong nakaraang taon.
“Sa nakikita naming trend, puwede pa siyang umabot hanggang P500-M,” sabi ng isang theater manager sa amin.
Noon daw umaga ng Pasko, number 4 lamang ang pelikula ni Aga. Pero nang magsimula na ang matured audience noong bandang tanghali, mabilis na umakyat iyon sa number two. Nanatili iyong number two, at nang walang makuhang award, biglang sumipa at naging number one. Hindi na nabago ang puwesto niyon simula noon.
Sa kanilang analysis, mukhang gustong ipakita ng mga tao na dapat manaig kung ano ang gusto nila. Iyon ang sinasabing isang dahilan kung bakit kumita nang mas malaki ang pelikula ni Aga. Iyon namang mga nanalo ng awards, hindi na nakabangon pa kahit dinagdagan pa ng sinehan. At kahit na pinupuri pa ng mga kritiko. “Eh wala na rin namang credibility sa tao iyong alam nilang press release lang,” sabi pa nila.
Inaasahan nila na bababa na ang pelikula ni Aga dahil pagkatapos ng festival ay papasok ang Star Wars, pero hindi pa rin nagbago ang trend. Mukhang lalaban ng mga isa o dalawang linggo pa.
“Ayaw daw nila iyan kasi adaptation lang ng isang Korean movie, pero mabuti isinali nila dahil kung hindi bagsak talaga ang kita ng buong festival sa taong ito. Alisin mo ang pelikula ni Aga, flop na sila,” sabi pa ng aming source.
HATAWAN
ni Ed de Leon