TINULDUKAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang umiiral na batas militar sa Mindanao sa nakalipas na dalawang taon at pitong buwan.
Inihayag kahapon ni Presidential Spokesman Salvadaor Panelo, hindi na palalawigin ni Pangulong Duterte ang martial law sa Mindanao sa pagtatapos nito sa 31 Disyembre 2019.
Ang pasya ng Pangulo ay kasunod sa pagtaya ng security at defense advisers na humina ang terrorist at extremist rebellion bunsod nang pagkamatay ng kanilang mga pinuno at pagbaba ng crime index.
“Contrary to the suppositions of the vocal minority on the proclamation of martial law in Mindanao, this decision of the President shows how he responds to the situation on the ground,” ani Panelo.
Kompiyansa ang Palasyo sa kapabilidad ng mga awtoridad sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa Minadanao kahit hindi palawigin ang martial law.
“The people of Mindanao are assured that any incipient major threat in the region would be nipped in the bud,” ani Panelo.
Matatandaan na idineklara ni Pangulong Duterte ang batas militar dahil sa pagkubkob ng teroristang grupong ISIS sa Marawi City noong 23 Mayo 2017.
(ROSE NOVENARIO)