ILANG beses kayang iiyak si Arci Muñoz sa harap ng kamera sa tuwing sasagutin n’ya ang tanong kung bakit nag-break sila ng businessman boyfriend n’yang si Anthony Ng?
Ginawa n’ya ‘yon noong nakaraang Biyernes sa Tonight With Boy Abunda, na ang purpose ng paggi-guest n’ya ay para i-promote ang pelikula nila ni JC Santos, ang Open na entry nila sa paparating na 2019 Pista ng Pelikulang Pilipino ngayong Setyembre. ‘Pag ginawa n’ya pa uli ‘yon, magmumukhang gimmick lang ang break-up na ‘yon para sa pelikulang ipino-promote nila.
Sa trailer kasi ng pelikula, may mga eksenang umiiyak-iyak din si Arci (bilang ang character na si Rome) dahil iiwan siya ni JC (bilang Ethan) kung ‘di siya papayag sa “open” na relationship nila.
Ang ibig sabihin ng “open” sa istorya ay kahit na magka-live-in na sina Rome at Ethan, pwede silang pumatol at makipag-sex sa iba. Ipinasya nila ‘yon sa ika-14 taon nilang pagli-live-in. Mas enjoy si Ethan kaysa kay Rome sa arrangement na ‘yon lalo pa’t nakahanap si Ethan ng isang matronang maalindog at mahilig sa sex (na ginagampanan ni Ina Raymundo).
Eh mukhang madadalas ang paggi-guest ni Arci sa Kapamilya Network shows na pwedeng mag-promote dahil isa pala ang Black Sheep Films sa producer ng pelikula (at ‘yung isa pa ay ang TRex Films). Alam n’yo na sigurong pag-aari rin ng ABS-CBN ang Black Sheep.
At may isa pang dahilan para makapag-guest sa iba’t ibang TV shows si Arci, nasa regular cast din siya ng isang bagong weekly sitcom sa ABS-CBN, ang Pamilya Ko, na katambal n’ya si JM de Guzman.
Sincere naman siguro si Arci sa pag-iyak n’ya tungkol sa pagbi-break nila ng boyfriend n’ya. Pero ‘di bagay sa lagi n’yang ipinu-project sa mga press conference at sa iba pang interbyu sa kanya na biba siya at masayahin.
At saka bakit na n’ya kasi itinapat ang pagbi-break sa panahong kailangan siyang mag-promote ng pelikula at bagong TV show? At siya ba ang nang-iwan o siya ang iniwan?
Sabi n’ya kay Boy Abunda, wala namang third party na involve at mababaw lang ang dahilan ng paghihiwalay nila (pagkatapos ng dalawang taon nilang relasyon).
Naku, Arci, huwag ka nang iyak nang iyak. Marami ka namang showbiz projects, eh. Mas problematic ‘yung wala ka na ngang pag-ibig, wala ka ring trabaho. (DANNY VIBAS)