SINIMULAN ng pamahalaang lungsod ng Navotas, kasama ang mga kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources at iba pang ahensiya ng pamahalaan sa pangunguna ni Asec. Rico Salazar, ang paglilinis ng Bangkulasi River.
Napag-alaman, ang nasabing ilog ay may mataas na antas ng fecal coliform, isang uri ng bacteria na nagmumula sa dumi ng tao o hayop.
Nangako si Mayor Toby Tiangco na gagawin ng pamahalaang lungsod ang makakaya para malinis ang ilog at mapaunlad ang kalidad ng tubig nito.
“Noong nakaraang linggo, nagsagawa kami ng dialogo kasama ang mga mangingisdang maaapektohan ng clean-up drive. Ipinaliwanag namin kung bakit kailangan nilang ilipat ang kanilang mga bangka sa Navotas Fish Port,” aniya.
Inatasan din ni Tiangco ang ilang mga tanggapan ng pamahalaang lungsod at mga barangay na siguruhing tuloy-tuloy ang paglilinis ng ilog at i-monitor ang tagumpay nito.
Kamakailan, sinabi ni Environment Secretary Roy Cimatu na napakahalaga ng paglilinis ng Bangkulasi segment sa Manila Bay Rehabilitation Program, at nagtakda siya ng palugit hanggang December para magkaroon ng malaking pagbabago ang nasabing ilog.
Kasama sa kick-off ang mga kinatawan mula sa Metropolitan Manila Development Authority, Philippine Coast Guard, Philippine Fisheries Development Authority, Philippine National Police-Navotas, at PNP-Maritime.
Kabilang din sa naroon ang mga opisyal ng Brgy. NBBS Kaunlaran, Dagat-dagatan, at Bangkulasi at mga kawani ng City Environment and Natural Resources Office, City Agriculture Office at City Engineering Office.
(JUN DAVID)