NILAMPASAN na raw ng huling pelikula ni Kathryn Bernardo ang kinita ng hit movie nila noon ni Daniel Padilla. Ibig sabihin, sa loob ng dalawang magkasunod na taon, si Kathryn ay nagrehistro ng dalawang pelikula na sinasabing nakasira sa box office history. Lumalabas kasing kahit na ikompara ang kita ng pelikula niya ngayon sa naging kita ng mga pelikula noong mura pa ang bayad sa sine, lamang pa rin siya sa rami ng nanood.
Kaya nga siguro nagmamadali naman ang kanyang fans na sabihing si Kathryn na ang bagong superstar ng henerasyong ito. Pero palagay namin, hindi sila dapat magmadali. Mahirap na ang magmadali at masilat pagkatapos. Siguruhin muna natin na matibay na ang tayo ni Kathryn bago siya ideklarang superstar.
Iyang pagiging isang superstar, matindi iyan eh. Kaya nga sa local showbusiness, tatlo pa lamang ang naidedeklarang superstars. Palagay namin, masyadong maaga pa para sabihing naabot na ni Kathryn ang status na iyon. Nakatatakot na baka magaya siya sa iba na matapos ipangalandakan na superstars na sila at saka tumagilid ang career. Marami na tayong nakitang ganyan kaya kailangan ang dobleng ingat.
Isa pa, parehong sikat ang kanyang mga leading men, sina Daniel at Alden Richards. Isa ring box office director ang gumawa ng dalawa niyang hit movies. Sa palagay namin, hindi naman siya isusugal ng kanyang home network na pagawin ng isang pelikulang ang gagawa ay isang indie director sa ngayon. Manghihinayang naman sila sa box office potentials ni Kathryn, pero paano nga kaya kung iba ang leading man at iba ang director?
Kung kami ang tatanungin, dapat maghintay tayo ng kaunting panahon pa bago natin sabihing naabot na nga niya ang status ng isang superstar.
HATAWAN
ni Ed de Leon