ILANG beses siyang nasaktan, ngunit hindi siya kailanman napabagsak. ‘Yan si Gerard Butler sa papel na Secret Service Agent Mike Banning sa global box office hits na Olympus Has Fallen (2013) at London Has Fallen (2016).
Ngayong 2019, ang tinatawag na ”the President’s top guardian angel” ay haharap muli sa labanang susubok sa katatagan ng kanyang katawan at isipan. Tulad ng ipinahihiwatit ng titulo ng pelikula, Angel Has Fallen at ang tanong, paano makababangon ang karakter ni Butler?
Si Mike Banning ay napili ni U.S. President Allan Trumbull (Morgan Freeman) na maging director ng Secret Service. Ngunit bago pa man makaupo sa posisyon si Banning, nagkaroon ng assassination attempt sa presidente. Nailigtas ni Banning si President Trumbull, ngunit, siya ang prime suspect sa pangyayari.
Naniniwala si FBI Agent Thompson (Jada Pinkett-Smith) na guilty si Banning dahil bukod sa presidente, siya lang ang nabuhay sa pag-atake ng mga explosive drones. Tila isang perpektong plano ang pagpatay sa lahat ng kanyang mga kasamahan.
Determinadong linisin ang pangalan at alamin ang tunay na salarin, tumakas si Banning sa pagkakabilanggo. Habang tinutugis ng Secret Service at ng FBI, hinanap ni Banning ang kanyang ama (Nick Nolte) para humingi ng tulong.
Tulad sa mga nakaraan niyang laban, dapat mailayo ni Banning ang kanyang pamilya sa kapahamakan, mapanatiling buhay ang presidente, at mailigtas ang bayan sa mas matinding panganib. Ang malaking kaibahan ngayon, kailangan niya ring ipaglaban ang sarili.
Idinirehe ni Ric Roman Waugh (Snitch, Shot Caller), ang Angel Has Fallen na puno ng aksiyon habang dinadala ang manonood sa ”much deeper, darker journey”, ayon kay Butler. Sinasabing dalawang script ang ibinasura bago napili ang kasalukuyang kuwento na kumuha ng inspirasyon sa mga pelikulang The Fugitive, The Bourne Identity, at Taken.
Ani Butler sa isang panayam noong 2017, ”I couldn’t even see a way to make a third (Fallen film), you know we’d joke about it ‘What, Tokyo? Hong Kong? What is it going to be!?’ …Until this idea came along and until Ric came along – now I’ve gone from not knowing what to do with it, to thinking this is going to be the best one.”
Dagdag pa niya na gusto ni direk Waugh na gumawa silang dalawa ng pelikula na maaalala ng tatlong henerasyon. Sagot naman ni Butler, ”Well what about Has Fallen 3?”, at sabi ng direktor, ”That’s not what I was thinking!” Hinikayat ni Butler na basahin ni Waugh ang script. Aniya, ‘Read this script, it’s kind of like The Fugitive, take it and let’s put your spin on it’.
May pag-aalinlangan man si Waugh noon, iba na ang kanyang paniniwala ngayon. Ito lamang May 2019, nag-post si direk Waugh ng trailer ng Angel Has Fallen sa kanyang Twitter at sinabing, ”For years @GerardButler and I have been wanting to collaborate. Damn glad it was this one. It was definitely worth the wait!”
Mapapanood ang Angel Has Fallen sa Philippine cinemas nationwide simula August 21, 2019. Mula sa Viva International Pictures at MVP Entertainment.