SA GITNA ng napakaraming tinamaan ng dengue sa bansa, nanawagan ang mga siyentista at mga doktor na ibalik na ang bakunang Dengvaxia sa bansa upang puksain ang malawakang panganib ng dengue.
Ayon kay Iloilo Rep. Janette Loreto Garin, kawawa ang mahihirap na Filipino na walang kakayahang magpabukana sa ibang bansa.
“‘Yung may mga kaya nagpapabakuna sa Singapore, Malaysia. Mayayaman at middle class na Filipino, paano naman ang mahihirap,” ani Garin, ang dating kalihim ng Department of Health.
Naglabas na ng position paper ang ilang grupo ng mga doktor at siyentista patungkol sa Dengvaxia. Hinimok nila na tingnan muli ng gobyerno ang posisyon sa pagbabawal sa bakuna na, sa tingin ng mga eksperto, makasusugpo ito ng dumaraming kaso ng dengue sa bansa.
Giit ni Garin, walang namatay sa Dengvaxia tulad ng sinasabi ni Atty. Persida Acosta ng Public Attorney’s Office (PAO).
Aniya, walang pinipili ang dengue, mayaman man o hindi, kaya ‘yung may kaya ay nagpapabakuna sa Singapore o sa Malaysia, na pinayagan ang Dengvaxia.
Ani Garin, hindi lahat ng may kaya ay nakabibiyahe tungo sa ibang bansa.
Aniya, kung papayagan muli ng gobyerno ang Dengvaxia, “At least 20% sa population (na may kaya) ay mapoprotektahan laban sa dengue” kung irerekomenda ito ng kanilang mga doktor.
Marami na ang namatay dahil sa dengue.
Napakahalaga umano ng dengvaxia dahil sa kaso aniya ng Filipinas, 97% ng mga Filipino ay nagkaroon na ng dengue at 80% sa mga nagkaroon ng nasabing virus ay walang naramdamang sakit o sintomas.
(GERRY BALDO)