NANG patuloy na naglulupasay sa takilya ang mga pelikulang indie, at halos hindi na makakuha ng mga sinehan, gusto nilang mapuwersa ang mga sinehan na ilabas ang pelikula nila. Wala silang pakialam kung malugi man ang mga sinehan.
Inaaway na rin nila ang audience. May nagsabi pang bobo raw ang audience at hindi naiintindihan ang kanilang mga pelikula kaya ganoon.
Hindi ba natin masasabi ngayon na sila ang mas bobo, dahil iyong pelikula nina Kathryn Bernardo at Alden Richards ay kumita ng P34.5-M sa unang araw pa lamang, at ipinalalabas sa mahigit na 350 sinehan sa buong Pilipinas. Hindi mo ba masasabing matalino ang gumawa niyan? Alam nila kung anong kuwento ng pelikula ang pipiliin para kumita. Alam nila kung ano ang magandang casting para sa pelikulang ganoon. Alam nila kung paano nila ipalalabas ang kanilang pelikula.
Kumita sila. Kumita ang mga sinehan. Iyong mga tao sumugod sa sinehan kahit na araw ng Miyerkoles na sinasabi ng mga walang alam sa film market na hindi magandang araw para sa opening ng isang sine. At sa tingin ba ninyo ang mga pelikulang ganyan mababawasan ng sinehan o lalagyan ng slide screening bago ang ikapitong araw? Naku hindi, kasi bawat screening may nanonood.
Happy ang mga tao sa pelikula. Kahapon, nasa isang mall kami. Napansin namin iyong mga lumalabas sa sinehan nakangiting lahat eh. Iyang mga movie goer, matatalino iyan. Hindi mo maloloko iyan. Hindi magbabayad iyan nang halos P300 para mapanood ang isang pelikulang walang kuwenta at alam naman niyang binarat ang pagkakagawa.
Bakit ba noong araw, may mga binarat ding pelikula. Halimbawa na iyong mga low budget na pelikula nina Redford White, pero bakit kumikita iyon? Kasi natatawa naman ang audience sa pinanood nila. Eh ngayon, hindi ka matawa sa comedy. Natatawa ka sa drama. Manonood ka ba?
HATAWAN
ni Ed de Leon