NGAYON natin malalaman kung gaano kalakas ang suporta at gaano karami talaga ang totoong fans ni Kathryn Bernardo. Iyan ay dahil nga sa banta ng iba na ibo-boycott iyong pelikula niyang Hello, Love, Goodbye dahil sa Rami ng kissing scene nila ni Alden Richards.
Definitely ang nagsasabi niyan ay kabilang sa KathNiel, o fans lang talaga ni Daniel, na hindi naman susuporta sa kanya dahil ang kahalikan nga niya si Alden. Wala kayong magagawa sa ganyang mentalidad ng ibang fans. Maski siguro si Daniel Padilla pa ang magsabing ok lang iyon, panoorin nila, hindi rin susunod ang mga iyan. Puwedeng manood din para makita lang nila, pero kung ang inaasahan ninyo ay gaya ng suporta nila sa mga proyektong KathNiel, sorry.
Ganyan talaga ang sugal basta pinaghihiwalay ninyo ang magka-love team. Ang tingnan naman ninyo, gaano karami naman ang suportang makukuha ni Alden mula sa kanyang fans. Hindi mo rin naman siguro maaasahan diyan ang suporta ng AlDub. AlDub nga sila eh. The same way hindi rin naman nila sinusuportahan si Maine Mendoza kung ang kasama ay si Arjo Atayde.
Nagsimula kasi ang career nila sa love team eh. Hindi natin maikakaila na nauna nang artista si Kathryn, pero sumipa nang husto ang career nang maka-love team si Daniel. Ganoon din naman si Alden na matagal na rin naman, na sumipa lang ang popularidad nang makasama ni Maine. Ngayon aabangan natin kung ano nga ang kalalabasan ng love story na iyan na ang stars ay sumikat nang makatambal ang mas sikat nilang ka-love team.
Pero kung ang pelikulang iyan naman ay kumita nang malaki, ibig sabihin niyon sina Kathryn at Alden can stand on their own. Wala nang duda iyon, at hindi na sila maaaring takutin ng mga boycott-boycott na ganyan.
HATAWAN
ni Ed de Leon