MABILIS ang reaksiyon ng mga kapwa niya artista sa nabalitang pagko-collapse ng actor at director na si Eddie Garcia habang nagte-taping ng ginagawang serye sa Tondo noong Sabado. Naging maagap naman ang mga tauhan ng GMA na ang actor ay maisugod sa pinakamalapit na ospital, iyong Mary Johnston Hospital sa Tondo rin. Pero walang masyadong lumabas na detalye, maliban doon sa wala siyang malay. Mali ang sinasabing comatose, maaaring “unconcious” lamang si Manoy. Kung in coma iyan, hindi mare-revive iyan kung maghapon lang.
Noong mai-revive si Manoy, mabilis naman siyang inilipat sa St. Luke’s dahil mas moderno ang facilities doon at naroroon ang kanyang cardiologist na nakaaalam ng history ng kanyang sakit sa puso. Importante na ang doctor mo mismo na nakaaalam ng history ng iyong sakit, at nakakita na ng mga naunang ECG o 2D Echo tests ang tumitingin sa iyo.
Wala pa ring pinalabas na medical bulletin sa bagong ospital hanggang kahapon ng umaga, pero nagbigay na ng statement ang kanyang pamilya na conscious na siya pero nasa isang kritikal na kondisyon pa rin. Iyang atake sa puso, hindi mo masasabing maayos na ang lagay niyan kung mga tatlong araw lamang pagkatapos ng atake.
Hihintayin pa natin kung ano ang sasabihin ng kanyang mga doctor. Maaari siyang isailalim sa iba pang mga medical procedure na makatutulong sa kanya, pero may nagsasabi ngang sa kanyang edad sa ngayon, parang mahirap na ring basta siya pakilusin.
Pero totoong malaking bagay ang nagagawa ng mga panalangin, kaya iyon din ang hinihiling ng kanyang pamilya. Aba lahat na halos ng mga artista humihiling din sa mga tao na ipanalangin si Manoy. Ganyan talaga basta mabuti kang tao.
HATAWAN
ni Ed de Leon