EWAN nga ba kung ano ang takbo ng isipan ng mga tao kung minsan. Noong araw, puring-puri nila si Angel Locsin, lalo na noong panahon ng bagyong Yolanda. Kasi nakita nga nila si Angel na nakasalampak sa pagkakaupo sa sahig habang nagbabalot ng relief goods bilang isang volunteer ng Red Cross. Hindi lamang iyon, natatandaan namin nag-donate siya ng isang kotse niya sa fund raising ng isang network noon para ang mapagbibilhan niyon ay magamit para sa rehabilitation program para sa mga nasalanta ng bagyo.
Hindi roon natapos iyon. Pinapalakpakan nila si Angel dahil maya’t maya ay nakikita mo siyang nagbibigay ng sarili niyang dugo para madugtungan naman ng buhay ang mga nangangailangan.
Hindi lamang bilang isang aktres, kundi bilang isang tao, naniniwala kaming ginampanan nang maayos ni Angel ang kanyang tungkulin sa lipunan.
Nagsimula lang naman iyang tila “hate campaign” laban kay Angel nang makita ng ilan ang kanyang mga political leaning. Hindi mo naman maiiwasan ang mga bagay na iyon dahil tiyuhin nga mismo ni Angel ang kandidato, at natural ano man ang sabihin ninyo, matimbang ang dugo. Hindi iyan kagaya ng kaso ng ibang endorsers na binayaran lamang. Tiyuhin nga niya iyon eh, kaya kailangan niyang kampihan. Gusto man siya o ayaw ng mas nakararami, hindi naman kasalanan ni Angel iyon.
Hindi rin namin ibinoto ang tiyuhin ni Angel, pero mali iyong ginagawa ng iba na sinasabing i-boycott si Angel, i-boycott ang kanyang tv shows, dahil lamang doon. Iba iyong pagiging aktres ni Angel kaysa paniniwala niya sa politika. At saka tama rin ba na dahil lang doon kalimutan na ninyo ang lahat ng kabutihang kanyang ginawa?
Ngayon, ipinamamarali pa nila na ang serye ni Angel tinalo na ng isang baguhan. Ipagpalagay na nating totoo, pero hindi nga dapat sabihin o gamitin ang mga bagay na iyon dahil sa mga personal na paniniwala lang. Maging fair naman tayo.
ni ED DE LEON