NGAYON inaamin na ni Aiai delas Alas ang lahat ng kanyang konsumisyon bilang manager ng grupong Ex Battalion. Nag-resign na rin siya bilang manager ng grupo. Pero bago nag-resign bilang manager si Aiai, umalis na rin sa grupo ang mismong founder nitong si Mark Maglasang.
Ang katuwiran ni Aiai, matinding konsumisyon. Inamin din niya na ang members ng grupo ay gumagawa ng kanya-kanyang booking na hindi niya nalalaman bilang manager, at hindi man lang nagsasabi sa kanya.
Pero sa natatandaan namin, lahat ng iyan ay napag-usapan bago pa man inilabas ang kanilang pelikula. Natatandaan namin, nilinaw nga nila na may mga labas sila na ang nakalagay ay ang pangalan nila at nakadugtong lang ang “of Ex Battalion” para maliwanag na hindi ang grupo ang naroroon. Mukhang wala naman silang problema tungkol doon.
Noon pa, inamin naman ni Aiai na may mga “konsumisyon” na nga, pero sinabi niyang ang relasyon kasi nila ay more than talent-manager. Siya pa ang nagsabing ”parang mga anak ko na sila kaya hindi ko maiwan.”
Alam naman natin ang naging resulta ng pelikula ni Aiai na kasama ang Ex Battalion, mahina iyon sa takilya. Ang tinatanong nila ngayon, kung ang pelikulang iyon ay naging isang malaking hit, magre-resign pa rin ba si Aiai bilang manager ng grupo?
May mga nagsasabing kung naging hit ang pelikula, malamang hindi niya binitiwan ang grupo dahil tiyak iyon ang iisipin nila at masusundan pa iyon ng isang pelikula. Pero dahil mahina nga, at tiyak namang hindi na masusundan, nag-resign na nga siya after all nakokunsumi pa siya.
HATAWAN!
ni Ed de Leon