HINIKAYAT ng militanteng grupo ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na ibigay sa consumers ng tubig ang P1.3-bilyong multa na ipinataw sa Manila Water kaugnay ng pagkawala ng tubig sa Metro Manila.
Ayon sa dating kongresista at chairman ng Bayan Muna na si Neri Colmenares at Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, ang multa ay dapat mapunta sa mga naapektohan nang mawala ang tubig.
“The P 1.134 billion fine to Manila Water is divided into a P534.050 million fine and additional P600 million fund for development of new water supply source,” ani Colmenares.
“Ang mga consumer ng Manila Water ang nagdusa at napagastos nang mawalan ng tubig mula Marso. At sa katunayan hanggang ngayon ay nawawalan pa rin sila ng tubig. Sila ang dapat na direktang makinabang sa ipapataw na parusa sa Manila Water,” dagdag ni Colmenares na tumatakbo sa Otso Diretso para senador.
Ani Colmenares at Zarate, lumabas ang katotohanan na wala naman talagang krisis sa tubig at umabuso lamang ang Manila Water.
Giit ni Zarate ang multa ay dapat i-convert sa rebates ayon sa nakasaad sa concession agreement.
“These rebates, though, should be on top of other damages that may also be awarded to the affected consumers,” ani Zarate.
“We would still file cases against Manila Water for not fulfilling their contract with their customers. We will also hold accountable all officials who are also remiss of their duties to protect the interests of our consumers,” dagdag ni Zarate.
ni Gerry Baldo