ARESTADO ang Filipino-Australian singer actor sa isang television network matapos mabundol ang dalawang empleyado ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Makati City kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in physical injuries and damage to property si Starstruck Ultimate Survivor Douglas Errol Dreyfus Adecer, mas kilala sa kanyang screen name na Migo Adecer, 19 anyos.
Nagpapagamot sa Ospital ng Makati ang mga biktimang sina Rogelio Castillano at Michellene Papin, kapwa nasa hustong gulang.
Base sa report na nakarating kay Makati City Police chief, S/Supt. Rogelio Simon, naganap ang insidente dakong 6:00 pm kamakalawa sa panulukan ng JP Rizal Avenue at Pertierra St., Bgy. Poblacion.
Sakay ng sports car si Adecer, nang harangin ng mga traffic enforcer dahil sa traffic violation at amoy alak.
Itinapon lang umano ni Adecer ang violation ticket na inisyu dahil sa reckless driving, hindi ibinigay ang kanyang lisensiya saka nagpatuloy sa pagmamaneho.
Nang sumapit sa naturang lugar, nahagip biya ang mga biktimang sina Papin at Castillano habang sakay naman sila ng motorsiklo.
Hindi pa rin umano huminto ng aktor at nagpatuloy sa pagharurot ang kanyang sasakyan.
Nasakote ang aktor nang respondehan ng mga traffic enforcer at nagtangka pang tumakas kaya nahagip rin ang isa pang police mobile.
Depensa ng abogado ng aktor na si Atty. Marie Glen Gardoque, hindi aniya alam ng kanyang kliyente na nahagip niya ang dalawang MMDA personnel habang nagmamaneho.
(JAJA GARCIA)