Monday , December 23 2024

‘Sense of propriety’ ng Senado sa P8-B kontrata ng Hilmarc’s sa kapinsalaan ng mamamayan

LAKING-GULAT natin na ang Hilmarc’s Con­struction Corp., na naman pala ang naka­dale ng malaking kon­trata sa itatayong gusali na paglilipatan ng Sena­do sa lungsod ng Taguig.

Ang Hilmarc’s ay matatandaang inim­bestigahan ng Senado mula 2014 hanggang 2016 sa mga maano­malyang proyekto na ibinulgar ni dating vice mayor Ernesto Mercado laban sa pamilya ni dating Vice President Jejomar ‘Jojo’ Binay sa Makati.

Kaya’t hindi maiiwasang marami ang mapakamot sa ulo at magkasakit ng taka kung bakit sa dinami-rami ng contractor ay sa Hilmarc’s napunta ang P8 Bilyong kontrata sa itatayong gusali ng Senado.

Si Sen. Panfilo “Ping” Lacson na tumatayong taga-depensa sa kuwestiyonableng pagkaka-award ng kontrata ay sinabi na napunta ang kontrata sa Hilmarc’s dahil ito ang may pinakamababang presyo sa walong contractor na lumahok sa bidding o subasta.

Tinawag nga ni Mercado ang mga kontrata na nasalakab ng Hilmarc’s sa Makati na puro “biding-bidingan” lang.

Lumang tugtugin na ‘yan, kunwa-kunwarian lang ang karamihan ng bidding, dekorasyon lang ang ibang kalahok para masabing may naganap na subasta.

Pero sa totoo lang, sa simula pa lang ay plantsado na kung sino ang mananalo at ang ibang kalahok ay babayaran kapalit ng ginampanang papel na pagsali sa mga “lutong-Makaw” na subasta.

May narinig pa tayo na gusto raw ibangon ng Hilmarc’s ang kanilang imahen sa itatayong gusali.

Bakit pera rin ng mamamayan ang gagamitin kung nais ‘magbangong-puri’ ng Hilmarc’s?

Ang mga contractor na tulad ng Hilmarc’s na sabit sa katiwalian ay habambuhay na dapat ‘blacklisted’ mangontrata sa alinmang sangay o tanggapan ng gobyerno.

Nasaan na ang ‘sense of propriety’ o kawastohan ng mga mambabatas na senador?

‘DI PA TAPOS NA 9-MONTH SUSPENSION, GALVEZ-TAN NAKABALIK NA SA PUWESTO

MAY ‘anting-anting’ din pala si suspended San Ildefonso, Bulacan Mayor Paula Carla Galvez-Tan kaya maagang nakabalik sa puwesto at hindi naipatupad ang buong 9-month suspension na ipinataw sa kanya ng Ombudsman.

Si Mayora Galvez-Tan ay sinuspende ng Ombudsman dahil sa isinampang reklamo ng konseho laban sa kanya noong August 2019.

Dapat sana ay sa buwan pa ng Mayo 2019 magtatapos ang ipinataw na suspension kay Galvez-Tan, pero kamakailan ay pinayagan na siya ng Ombudsman na makabalik sa puwesto.

Ang galing naman pala talaga ni Mayora dahil pati suspension sa kanya ng Ombudsman ay nagawa niyang mapaikli.

Naibulong ng ating impormante na umano’y naghanap ng ‘broker’ ang isang malapit na kaanak ni Mayora na magtatawid sa kanya sa Palasyo upang maikuha ng ‘discount’ na mapaikli ang 9-month suspension sa Ombudsman.

Pero matapos maipakilala ang kaanak ng alkalde sa ilang opisyal ng Palasyo ay biglang naetsa-puwera sa eksena ang namagitang broker pagkatapos maganap ang isang lihim na pagtatagpo.

Noong nakaraang buwan pa nakarating sa atin na hindi matatapos ang 9-month suspension at nagkatotoo naman dahil nakabalik nga si Mayora sa puwesto bago pa magsimula ang nakatakdang kampanya ng local candidates sa huling linggo ng Marso.

Isang nagngangalang “Ryan” na ‘bata’ ng maimpluwensiyang opisyal sa Palasyo ang nautusang makipagtagpo sa broker at kaanak ni Mayora noong Dec. 18, 2018 sa lungsod ng Pasig.

Tatlo pang assec sa Palasyo ang umano’y kumausap din sa kaanak ng Mayora pagkatapos ng naganap na meeting.

Pero imbes pasalamatan ang broker ay siya pa ang pinagbantaan ng isang “Jenny” na ipakukulong sa National Bureau of Investigation (NBI) kapag sumingaw na nagapang ang kaso ni Mayora sa Ombudsman.

Nang malaman umano ng nagbanta na naka-record pala ang lihim na pagtatagpo ay bigla raw itong natahimik.

Totoo ba na involved rin sa gapangan ng kaso sina “Enad” at “Anderson” ng Davao Group?

Aba’y, alam na kung saan babawiin ang nagasta sa areglohan, lalo’t nakabalik na si Mayora sa puwesto at muli niyang matatamasa ang powers sa kampanya bilang nakaupong alkalde.

Sakaling totoo na P10-M ang umano’y pinagpartehan sa lifting ng suspension ni Mayora sa Ombudsman, sana naman ay hindi nabukulan sa ulo si Justice Samuel Martires tulad sa sinapit ng kawawang broker.

KALAMPAG
ni Percy Lapid

 

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *