SERYOSO pala talaga si Nadine Lustre na makiisa sa pag-aalaga sa karagatan.
Willing talaga siyang maglaaan ng oras sa advocacy na ito.
Nitong nakaraang Sabado lang, nag-time-out muna si Nadine sa pagpo-promote ng upcoming movie n’yang Ulan para makasampa at makaikot siya sa Rainbow Warrior na isang barko ng international environmental group na Greenpeace na kasalukuyang nakadaong sa Maynila.
Layon ng Rainbow Warrior na magbigay ng kamalayan sa publiko tungkol sa problema ng polusyon sa karagatan. Nakipag-usap si Nadine sa mga nangangasiwa at empleado para maging pamilya siya sa mga aktibidad ng Rainbow Warrior, ayon sa ulat ni MJ Felipe sa ABS-CBN News website.
Ayon pa rin sa report, ibinahagi ni Nadine kung ano ang maaari niyang maiambag sa adbokasiya.
“I think my biggest contribution is awareness. I know I have a lot of followers and a lot of people check my Instagram, my social media, so I can help spread awareness.” Ipinagtapat niya na siya mismo ay naging saksi kung gaano napababayaan ang mga karagatan sa bansa.
“I was upset kasi nasa bangka kami, ang dami kong nakikitang trash na nagfo-float lang sa water, so I was so upset kasi ‘di ko siya kayang pulutin,” pagtatapat ng aktres.
Idinagdag n’yang hihikayatin niya ang nobyong si James Reid na makilahok din sa adbokasiya para mas marami pang kabataan ang mahikayat nila na pangalagaan ang karagatan.
Sana nga’y ang daang libong fans nila ay matutong huwag kalatan ng basura ang mga dalampasigan at karagatan sa kani-kanilan bayan.
Sana nga’y maging ang iba pang kabataang showbiz idols ay manawagan din sa fans nila na respetohin ang karagatan at huwag gawing basurahan!
(DANNY VIBAS)