MAPAPALABAN ang Gilas Pilipinas ngayon kontra sa Qatar na sasandal sa homecourt advantage sa pagpapatuloy ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Doha ngayon.
Magaganap ang salpukan sa 7:00 ng gabi (12 ng madaling araw, Manila time) na tatangka ang Gilas sa isang malaking road win upang mapanatiling buhay ang misyon na makapasok pa rin sa World Cup na gaganapin sa China ngayong Agosto.
Matapos ang Qatar, darayo ang Gilas sa Astana sa 24 Pebrero upang labanan ang Kazakhstan.
Kailangang maipanalo ng Nationals ang dalawang laban upang hindi malaglag sa kontensiyon.
Tatlong bansa lang ang aabot sa World Cup at sa ngayon bunsod ng 5-5 kartada ay nasa ikaapat na puwesto ng Group F ang Gilas sa likod ng Australia (9-1), Iran (7-3) at Japan (6-4).
Upang matupad ang misyon na iyon ay nagbalik sa koponan ang naturalized player na si Andray Blatche na maglalaro sa Gilas sa unang pagkakataon simula noong nakaraang Hulyo kung kailan nasangkot ang koponan sa isang malaking rambol kontra sa Australia sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Makakasama niya sina four-time PBA MVP June Mar Fajardo, two-time Best Point Guard in Asia na si Jayson Castro gayondin ang ilan pang national team veterans na sina Japeth Aguilar, Troy Rosario, John Paul Erram, Marcio Lassiter, Gabe Norwood, Scottie Thompson at Paul Lee.
Magbabalik rin sa koponan si Mark Barroca, sampung taon matapos maging miyembro ng pioneer na Gilas Pilipinas program noong 2010.
Nakasabit din sa koponan ang top collegiate player ngayon na si Thirdy Ravena bilang ika-12 manlalaro ng Gilas matapos ang ‘di inaasahang injury ng big man na si Raymond Almazan.
Samantala, ang isa pang miyembro ng 14-man pool ni head coach Yeng Guiao na si Roger Pogoy ay hindi muna makalalaro ngayon kontra Qatar dahil sa binubuno niyang isang larong suspensiyon.
Sa kabutihang palad, maaari na ulit maglaro si Pogoy sa darating na Linggo sa isa pang krusyal na sagupaan ng Gilas kontra sa Kazakhstan.
ni John Bryan Ulanday