MATAPOS aprobahan ng Senado ang paglipat ng pagmamay-ari ng Mislatel tungo sa consortium ni Dennis Uy at ng China Telecom sa gitna ng mga problema sa prankisa, inihayag ni dating Senate President Juan Ponce Enrile ang kanyang suporta para sa pagpapatuloy ng ikatlong telco player.
Aniya, mas mahalaga ang kakayahan ng Mislatel para mapabuti ang serbisyo sa telco kaysa mga problemang teknikal o legal nito.
“If there is a violation, that is correctible. Ang dapat nilang i-evaluate [ay kung] kaya ba nitong magbigay ng mas mahusay na serbisyo. Ngayon, kung kaya, we’ll have to help them to remove all the technicalities and allow them to go on,” ani Enrile, na ngayo’y kumakandidato upang bumalik sa Senado.
“If they have the financial capability to improve the system, that is more important than any of the technicalities,” dagdag ng beteranong mambabatas.
Nanawagan din ang dating Senate President sa mga mambabatas na itigil na ang politika.
Aniya, “Kung minsan nahahaluan ng politika kaya may mga suspicion, dapat tama na ‘yun. Tingnan natin kung anong nakabubuti sa bayan.”
Mula noong itinatag ito bilang ipinanukalang ikatlong telco player noong 2018, maraming ibinunyag na isyu ukol sa prankisa nito.
Sa isang Senate hearing noong Enero, sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na wala nang bisa ang prankisa ng Mislatel sapagkat hindi pinatakbo sa loob nang isang taon matapos ipagkaloob ang lisensiya sa prankisa.
Pinuna rin ang Mislatel dahil hindi nito nakuha ang permiso ng Kongreso noong nagpalit ng controlling stake.
Sa kabila nito, ipinasa pa rin ng Senado noong Miyerkoles ang House Concurrent Resolution No. 23 na sumasang-ayon na sa pagpapalit ng controlling stake sa nasabing consortium kaya maaari nang magsimula ang operasyon ng Mislatel.
Alinsunod dito, iginiit ni Enrile na kailangan madaliin ang pagpapabuti ng industriya ng telco sa bansa.
“We need [the third telco]. Mabagal ‘yung internet natin. Dropped calls have increased. The quality of communication is below par of other countries,” pahayag niya.
Ayon sa dating Senador, “We should have a better and more efficient communication system for us to move forward.”
Ngunit nagbabala rin si Enrile na kung hindi matupad ng Mislatel ang pangakong higit na mapabilis ang internet o data connection sa bansa, kailangang palitan ito.
“If they don’t fulfill their promise, you change them. Cancel the contract and give it to another one,” panawagan ni Enrile.
Ayon naman sa Senado, ang bagong prankisa ng Mislatel ay mawawalan din ng bisa sa 2023 at hindi ito awtomatikong aaprobahan muli.