HINDI pa nasusulit ang kanyang retirement, balik basketball na agad si Jett Manuel matapos kunin ng Mighty Sports bilang miyembro ng ipapadala nitong koponan sa Dubai International Basketball Championship sa susunod na buwan.
Kinuha si Manuel ng pambato ng bansa bilang dagdag na puwersa sa koponang gagabayan ni head coach Charles Tiu at babanderahan ng tatlong imports na sina Randolph Morris, Justin Brownlee at Lamar Odom.
Makakasama rin nila sina Joseph Yeo at Gab Banal gayundin ang UAAP stars na sina Juan Gomez de Liano mula sa UP at Santi Santillan mula sa La Salle.
Matatandaang nitong Biyernes, sorpresang inianunsiyo ni Manuel ang kanyang pagreretiro mula sa Barangay Ginebra isang taon matapos ma-draft bilang 12th overall pick noong 2017 PBA Annual Rookie Draft.
“It was definitely short, but definitely sweet. Choosing to retire was not easy but I’m excited for everything that lies ahead,” aniya.
“I’ll always be connected to the game of basketball, but in different form this time.”
Pansamantala lamang ang kanyang paglalaro para sa Mighty Sports dahil ilalaan niya ang kanyang oras sa pamilya at sa kanyang propesyon bilang licensed Civil Engineer na dahilan ng kanyang maagang pagreretiro.
Naglaro dati para sa Mighty Sports ang dating UP standout na si Manuel bago pumasok sa PBA kasama sina Jeron Teng, Kiefer Ravena at Brownlee sa parehong torneo sa Dubai, United Arab Emirates.
Nakatakda ang invitational tournament mula 7-16 Pebrero at makasasagupa nila ang siyam pang ibang koponan sa pangunguna ng host team na United Arab Emirates na ipaparada ang kanilang national basketball team gayundin ang Al-Nasr mula Libya, As Sale ng Morocco, Es Rades ng Tunisia, Al Ahly at Al Zamalek ng Egypt at ang Al Riyadi, Homentmen at Al-Hikma ng Lebanon.
ni John Bryan Ulanday