ISASABAY ng Philippine Basketball Association (PBA) ang Leo Awards o ang pagpaparangal sa mga natatanging manlalaro ng taon sa pagbubukas ng 44th Season sa 13 Enero 2019 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Ito ang unang pagkakataon na hindi sa pagtatapos ng season ginanap ang naturang seremonya na kinikilala ang pinakamagagaling na manlalaro sa 43rd season.
Kadalasan, sa Game 4 ng Governors’ Cup ginaganap ang Leo Awards ngunit naurong sa pagkakataong ito bunsod ng pagsuporta ng PBA sa national team na Gilas Pilipinas.
Solido ang suporta ng PBA sa Gilas sa limang windows ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers na nagresulta sa pagtagal ng liga sa loob ng isang taon mula 1 Disyembre 2017 hanggang 19 Disyembre 2018 – pinakamahabang season sa kasaysayan.
Inaasahang si June Mar Fajardo ang susungkit ng pinakamataas na parangal na Most Valuable Player bunsod ng kanyang Best Player of the Conference plums sa unang conferences na Philippine Cup at Commissioner’s Cup kahit hindi nakalaro masyado sa Governors’ Cup.
Kung sakali, ito na ang magiging ikalimang MVP ni Fajardo na maglalagay sa kanya sa natatanging puwesto sa PBA dahil malalagpasan na niya ang mga alamat na sina Alvin Patrimonio at Ramon Fernandez na kapwa may tig-4 na MVP.
Igagawad ang iba pang parangal ng pinakamatandang liga sa Asya ang Mythical Team, All Defensive Team, Defensive Player of the Year at Rookie of the Year.
Ibibigay din ang iba pang parangal tulad ng Samboy Lim Sportsmanship award gayondin ang mga parangal na igagawad ng PBA Press Corps tulad ng Scoring Champion, Baby Dalupan Coach of the Year, Danny Floro Executive of the Year, Bogs Adornado Comeback Player of the Year, Order of Merit, All Rookie Team, All Interview Team at Game of the Season.
ni John Bryan Ulanday