NAPAPANOOD na ang ML (Martial Law) na nagbigay ng Best Actor award kay Mr. Eddie Garcia nitong 2018 Cinemalaya Film Festival at Best Editing. Ikalawa rin sa top-grosser ang nasabing pelikula na pinagbibidahan nina Tony Labrusca, Lianne Valentin, Heinz Villaraiz, Jojit Lorenzo, Chanel Latorre, at Rafa Siguion Reyna na idinirehe ni Benedict Mique distributed ng Solar Films.
Sobrang nagpapasalamat ang lahat ng personalidad na kasama sa pelikula dahil finally mapapanood na ito nationwide at magiging aware na ang mga milenyal tungkol sa Martial Law.
Hindi naman itinanggi nina Tony, Heinz, at Lianne na nahirapan sila sa torture scene dahil makatotohanan.
Ayon kay Tony, “‘yung ilang oras kaming nakatali na tiniis kasi may mga kumakati hindi mo makamot, tapos nakakangawit din. Ang time-out lang ‘pag pupunta sa banyo, then balik na naman. Tapos ‘yung naka-tape ‘yung sa face, ilang beses tinanggal at kinabit, so mahirap po talaga.”
Say naman ni Heinz, “akala ko po madali lang ‘yung may takip na towel sa face tapos nakatutok ‘yung hose ng tubig, totoo palang mahirap, hindi ka makakahinga. Buwis buhay po talaga.”
Ang nakahiga sa blokeng yelo naman ang pinaka-mahirap para kay Lianne, “kasi po manipis lang ‘yung sapin so nakahiga ako sa blokeng yelo, sobrang lamig nanginginig na ‘yung buong katawan ko.”
May double si Lianne nang i-torture siya ni Eddie na pinaso ang boobs at sa pribadong parte ng katawan pero maski na may dobol ay ramdam ng baguhang aktres ang hirap.
Ang tatlong baguhang artista ay pinuri nang husto ni Eddie dahil napaka-professional at on time sa set kaya wala siyang masasabing masama, “they will go places,” saad ng beteranong aktor.
Iisa naman ang pahayag nina Heinz, Lianne, at Tony kung bakit nila tinanggap ang pelikula, “first, it’s Cinemalaya that everyone is dreaming of, 2nd, kasama ang living legend na si sir Eddie at ikatlo, wala kaming alam about martial law kaya gusto naming maramdaman how it was kaya nag-research kami para alam namin kung ano ba talaga iyon para gampanan ito. And of course to let the millennials, to encourage them to see this movie what is it all about.”
Samantala, wala sa plano ni direk Benedict na isali ito sa ibang film festival sa ibang bansa dahil mas gusto niyang ilibot ito sa buong Pilipinas sa pamamagitan ng film showing sa mga eskuwelahan at sa online.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan