INAPROBAHAN ng wage board sa National Capital Region ang P25 dagdag sa sahod para sa mga kumikita ng minimum wage, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nitong Lunes.
Sa bisa ng Wage Order No. NCR-22, na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR, magiging P500 hanggang P537 na ang halaga ng minimum wage sa iba’t ibang sektor sa Metro Manila.
Magiging epektibo ang utos 15 araw makaraan itong mailathala, sabi ni Bello.
Isinama na rin daw sa umento ang P10 cost of living adjustment (COLA).
Magugunitang P334 ang inihirit na dagdag-sahod ng labor group na Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) sa wage board.
Habang iniulat na P20 ang inialok na dagdag-sahod ng grupo ng mga negosyante na Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ngunit itinanggi nila ito.
Inianunsiyo rin ng DOLE na magkakaroon ng P10 basic pay increase at P10 per day COLA sa Cagayan Valley, at P12 hanggang P20 umento sa minimum wage sa Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan) region.
Ibig sabihin, maglalaro sa P320 hanggang P360 ang minimum wage sa Cagayan Valley habang P283 hanggang P320 sa Mimaropa.
Samantala, umapela ang koalisyon ng labor groups nitong Lunes para sa P100 minimum wage increase sa National Capital Region, makaraan kompirmahin ng Department of Labor and Employment ang P25 dagdag-sahod sa minimum wage earners sa Metro Manila.
Magugunitang humirit ang Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines ng P334 wage increase habang ang Employers Confederation of the Philippines ay nag-alok ng P20 dagdag-sahod.
“‘Yung P25 e baryang-barya ito sa medium and large enterprises,” pahayag ni ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay.
“Baka ho puwedeng P100 man lang ‘yung dagdag sa sahod. Kung P25, wala po, hindi kayang bumili ng isang kilong NFA rice ‘yan,” aniya.
HATAW News Team