NAPUKAW ang ating atensiyon sa mga tanong ng isang kaibigan na nai-post niya sa Facebook kamakailan lang. Legal bang magsagawa ng census ang mga lokal na pulis sa mga bahay-bahay sa barangay? May karapatan ka bang tumanggi na sagutin ang Census Form?
Ayon sa kaibigan natin, nagbahay-bahay ang mga pulis sa kanilang barangay sa Cainta nitong Sabado. May dalang ‘barangay census form’ ang mga pulis. Pinasasagutan sa mga residente at babalikan nila umano sa susunod na mga araw.
Bagamat barangay census form ang nakalagay sa dokumento, nagtataka ang mga residente kung bakit mga pulis ang namamahagi nito at hindi mga kawani ng barangay. Kaninong proyekto ba ito: sa pulisya o sa barangay?
Hindi sana maaalarma ang mga residente kung simpleng impormasyon lamang ang hinihingi sa census form. Lahat ng impormasyon tungkol sa pagkatao ng residente ay dapat daw ilagay sa dokumento. Kasama na rito ang araw ng kapanganakan, timbang, taas, relihiyon at e-mail address.
Interesado rin ang mga pulis na malaman kung saan at kailan ka nagtapos ng elementarya, high school at kolehiyo. Pati employment record, kailangang ibulatlat mo. Kung saan ka dati nagtatrabaho at kung ano ang kompletong address nito.
Hindi lang mga impormasyon sa padre de pamilya ang kailangan ng mga pulis. Lahat ng kasama nito sa bahay, kailangang nakabuyangyang ang pagkatao sa census form. Pati na rin lahat ng sasakyan mo, kulay nito at plate number.
Naiintindihan natin kung bakit interesado ang mga pulis o mga opisyal ng barangay sa mga impormasyong ito. Malamang na gusto lamang nilang kilalanin ang lahat ng residente sa barangay at matiyak na walang masamang loob na gumagala rito. Malaki nga naman ang maitutulong nito sa pagpapatupad ng batas at paglaban sa krimen.
Ang nakatatakot, hindi natin alam kung saan mapupunta ang mga impormasyong ito at kung paano masisigurong hindi mapupunta sa kamay ng masasamang loob ang mga sensitibong datos. Iipunin ba ang mga census form sa barangay hall? Saan itatago ang mga dokumento? Sino-sino ang makakikita nito? Ipapasok ba ang mga datos sa computer? Paano pangangalagaan ang mga datos?
Ang mga katanungang ito ang nagbunsod sa Kongreso para magpasa ng Data Privacy Act, isang batas na layong protektahan ang mga impormasyon at datos ng mga mamamayang Filipino. Sa pagkakaalam natin, lahat ng mekanismo ng gobyerno na layong kumuha ng impormasyon sa mamamayan ay kailangang naaayon sa nasabing batas.
Itinakda ng batas ang pagtatayo ng National Privacy Commission, isang sangay ng gobyerno na magtitiyak ng kaligtasan ng impormasyon tungkol sa isang indibibwal. Alam kasi ng gobyerno na mahalagang mapangalagaan ang mga nasabing impormasyon. Kung mapupunta sa mga kamay ng kriminal, maaaring magamit ang mga impormasyon sa transaksyong ilegal.
Kilala natin ang chairman ng nasabing komisyon, Si Raymund Liboro, bilang tapat na opisyal ng gobyerno. Dati siyang lider-estud-yante at may mataas na pagpapahalaga sa mga karapatang pantao. May tiwala tayo na pangangalagaan niya ang mga impormasyon ng indibidwal para hindi malagay sa peligro ang pamilyang Filipino.
Payo lamang sa ating mga pulis at lider sa barangay, kumonsulta muna sana kayo kay Chairman Liboro o sa kahit kaninong opisyal ng National Privacy Commission bago magsagawa ng census. Sa ganitong paraan, mababawasan ang agam-agam ng ating mamamayan at matitiyak na ang inyong proyekto ay naaayon sa batas.
PINGKIAN
ni Ruben Manahan III