ARESTADO ang tatlong lalaking sangkot sa rent-a-car carnapping habang dalawang carnap vehicle ang narekober ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD), iniulat kahapon.
Sa ulat ni QCPD director, C/Supt. Joselito Esquivel, Jr., kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director, C/Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, kinilala ang mga suspek na sina Manchester Uy, 42, broker; Omar Clores, 34, trailer driver, kapwa residente sa Belmont St., West Wing Villa, at Kurt Siegffred Mercado, 25, nakatira sa Brgy. Batasan Hills, Quezon City.
Ayon sa imbestigas-yon, noong 7 Agosto 2018 dakong 10:00 pm, isang John David Villanueva ang umarkila ng Ford Everest, model 2018 (CS C1-F517) ng nagrereklamong si Lindsay Rivera ng GSIS Village, Brgy. Talipapa. Napagkasunduang ibabalik ang sasakyan sa 10 Agosto 2018.
Ang sasakyan ay may dalawang Global Positioning System (GPS).
Ngunit nitong 8 Agosto, napansin ni Rivera sa monitor, na isa sa GPS ay nakapatay dahilan para tawagan niya sa cellphone si Villanueva ngunit bigo siyang makontak ang umarkila.
Gayonman, dahil sa nakabukas ang ikalawang GPS, natunton ang sasakyan habang nakaparada sa harapan ng isang banko sa Mayaman St., Brgy. Central.
Dakong 4:30 pm, 10 Agosto, pinuntahan ng biktima ang lugar at nakita ang sasakyan dahilan para humingi siya ng tulong sa QCPD Anti-Carnapping.
Narekober ang sasakyan ngunit iba na ang gumagamit, na kinilalang si Federico Noveno. Ibinalik ni Noveno ang sasakyan nang malaman ang katotohanan.
(ROMMEL SALES)