SA loob man o labas ng kuwadradong lona ay si Floyd Mayweather Jr., pa rin ang kampeon.
Nabansagang “Money” Mayweather, napatunayan iyan ni Mayweather nang tanghaling pinakamayamang atleta ngayon ayon sa Forbes Magazine.
Umabot sa $285 milyon ang naging kita ni Mayweather sa 2017 upang manguna sa listahan ng Forbes na ‘highest paid’ athletes.
Bunsod nito, dinaig ng boksingero ang football star ng Real Madrid na si Cristiano Ronaldo na may hawak ng korona sa nakalipas na dalawang taon.
Sumegunda kay Mayweather ang football star rin na si Lionel Messi ng FC Barcelona sa kanyang US$111 milyong kita habang nagkasya lang sa ikatlong puwesto ngayon si Ronaldo sa kitang US$108 milyon.
Pumang-apat naman ang MMA star na si Conor McGregor ng UFC sa nakolektang US$99 milyon habang kinompleto ng isa rin football star na si Neymar ang top five sa naitala niyang US$90 milyon.
Sinundan sila ng basketball royalty na si LeBron James ng Cleveland Cavaliers na nasa ikaanim na puwesto bunsod ng nalikom nitong US$85 milyon sa nakalipas na taon.
Nakasingit sa 7th spot ang tennis star na si Roger Federer (US$77.2M) habang kinompleto nina Stephen Curry (US$76.9M) ng Golden State Warriors, NFL Quarterbacks na sina Matt Ryan (US$67.3M) ng Atlanta Falcons at Matthew Stafford (US$59.5M) ng Detroit Lions ang top 10.
Habang nangunguna ang boxing star sa highest paid athlete ng Forbes Magazine ay dominado naman ng football stars ang top 5 bunsod ng 3 puwesto sa katauhan nina Messi, Ronaldo at Neymar.
Samantala, dahil tumaas ang salary cap ng NBA dahil sa bagong US$24 bilyong TV contract nito, dinomina pa rin sa kabuuaan ng NBA players ang listahan sa pagkakaroon ng 40 manlalaro sa top 100 sa pangunguna ni James at Curry. (JBU)