SUGATAN si Philippine Basketball Association player Jeron Teng at mga kasamang sina Norbert Torres at Thomas Torres makaraan saksakin sa naganap na rambol sa Taguig City, nitong Linggo ng umaga.
Arestado ang mga suspek na sina Edmar Manalo, 40; Joseph Varona, 33; at Willard Basili, 38-anyos.
Isinugod sa Saint Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City ang mga biktimang sina Alaska rookie Teng, 24; Norbert, 28, player ng Rain or Shine; at Thomas Christopher, 23, dating La Salle guard.
Sinasabing sinaksak sa likod si Teng habang sa braso ang kanyang mga kasamang sina Norberto at Thomas Torres.
Ayon sa ulat ng Taguig Police, nangyari ang insidente sa labas ng Early Night Club Fort Strip sa BGC, dakong 2:30 ng madaling-araw.
Naglalakad umano ang tatlong basketball player nang biglang komprontahin ng mga suspek na nauwi sa mainitang pagtatalo at pananaksak.
Agad nahuli ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP-7) ang tatlong suspek habang dinala sa pagamutan ang sugatang mga biktima.
Nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang tatlong suspek sa Taguig City Prosecutor’s Office. (JAJA GARCIA)