KINUHA ng University of Perpetual Help System-Dalta Altas na bagong head coach ng kanilang football team ang legend na si Chieffy Caligdong para sa papalapit na Season 94 ng National Collegiate Athletic Association.
Ito ay upang matulungan sila ng dating manlalaro ng Azkals na masikwat ang unang kampeonato sa loob ng lagpas dalawang dekada.
Nagretiro apat na taon na ang nakalilipas, si Caligdong mula sa national team na Philippine Azkals.
Kilala siya bilang malupit na football player sa kanyang mga acrobatic kicks na nagpanalo sa bansa sa ilang internasyonal na kompetisyon.
Iyon ang tangka ng Altas na makuhang inspirasyon at karanasan upang matulungan silang mawakasan na ang title drought sa football.
“We feel that a legend like Chieffy Caligdong could help us revive our football program and possibly win us an NCAA championship if not this year, but in the near future,” ani Perpetual President Dr. Antonio Tamayo.
Nag-kampeon ang University of Perpetual Help System-Dalta Altas nang dalawang beses sa NCAA football noong 1989 at 1996 na nagsilbing huling tikim nila sa kampeonato.
Pinalitan ni Caligdong si dating coach Aaron Carlos Nebreja.
Ang Altas ang paparating na host ng NCAA Season 94.
Sa basketball ay nagpalakas din sila matapos kunin ang dating San Beda coach na si Frankie Lim.
Magbubukas ang NCAA Season 94 sa 7 Hulyo 2018 sa Mall of Asia Arena. (JBU)