WARING magbabalik sa nakaraan ang Philippine Basketball Association sa pagtatampok ng dalawa sa pinakasikat na rivalry sa kasaysayan.
Sisiklab ang Manila Clasico sa pagitan ng Ginebra at Pufefoods habang magbubuno rin ang mahigpit na magkaribal na Alaska at San Miguel sa nalalapit na PBA break bunsod ng ikalawang round ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Bunsod ng 3-1 kartada, pasok na ang Gilas Pilipinas sa second round sa Setyembre ngayong taon at upang mabigyan ng mas mahabang panahon ng ensayo ay hindi magdaraos ang PBA ng iskedyul sa buong linggo.
Ngunit kahit walang regular na laro ang PBA ay isang malaki namang throwback game ang inihanda ng liga para sa mga bago at dating henerasyon ng fans mula nang itatag ito noong 1978.
Inorganisa ng bagong tatag na Samahan ng mga Dating Propesyonal na Basketbolista ng Pilipinas kasama ang PBA ang naturang legend games na gaganapin sa 9 Setyembre o sa 16 Setyembre depende sa pinal na iskedyul ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers second round.
“We sought the PBA’s support and they gave us a warm reception especially because this in an event for a cause,” ani dating Crispa coach Atoy Co na siyang hinirang na Pangulo ng organisasyon.
Kompirmado na ang pagkakapit-bisig na ito ng DPBP at PBA matapos ang ginanap na pagpupulong kamakalawa sa PBA office sa Libis, Quezon City kasama si Commissioner Willie Marcial.
Layon ng organisayon na maakay ang mga dating basketbolista na nangangailangan ng tulong sa legend games na magsisilbing fund-raising at charity event.
Ipinangako ni Marcial ang buong tulong ng PBA lalo’t isa rin sa kanilang pangarap at responsibilidad na matulungan ang mga dating manlalaro ng liga.
“They put up a foundation that will be ready to help their peers. We’re cooperating with them and we’re giving them all-out support. Tutulungan natin lumakas ‘yung foundation. Kapag lumakas ‘yon, marami silang matutulungan na nangangailangang dating kasamahan,” ani Marcial.
Ang Ginebra-Purefoods at Alaska-SMB na legends game pa lamang ang unang proyekto ng naturang organisasyon na napangalanan ding Bise Presidente si Philip Cezar, kalihim naman si Ed Cordero, ingat-yaman si Allan Caidic habang miyembro naman ng board sina Kenneth Duremdes, Jojo Lastimosa, Pido Jarencio at Art Dela Cruz.
Inaasahang maglalaro sa legends game sina Caidic, Lastimosa, Patrimonio, Duremdes, Ato Agustin, Hector Calma, Johnny Abarrientos, Bong Hawkins, Jeffrey Cariaso, Jerry Codinera, Chito Loyzaga, Vince Hizon, Marlou Aquino, Noli Locsin, Bal David at marami pang iba.
Ito pa lamang ang ikatlong legends game na mangyayari sa PBA buhat nang magkaroon ng reunion game ang Toyota at Crispa noong 2003 at ang naging exhibition sa pagitan ng 25 Greatest Players noong 2000.
Lahat ng salaping malilikom ay mapupunta sa organisasyon na planong itulong sa lahat ng dating basketbolistang nangangailangan ng medikal na atensiyon tulad nina Joey Mente, Boybits Victoria at Samboy Lim.
ni John Bryan Ulanday