MAS piniling samahan ni Dave Ildefonso ang kanyang ama at kapatid sa National University kaysa ipagpatuloy ang kanyang karera sa college basketball da Ateneo.
Matapos ang paglalaro para sa Ateneo Blue Eaglets sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) juniors basketball division, magkokolehiyo ang 17-anyos na si Dave sa NU na kinaroroonan ng kanyang ama na si Danny at nakatatandang kapatid na si Shaun.
“As I enter a new chapter in my life, I will always carry with me the solid foundation Ateneo has given me,” ani Dave sa kanyang pamamaalalam sa Ateneo.
“That foundation will always be part of who I am and who I will eventually grown into as an athlete, and more importantly as a person.”
Kagagaling ni Dave sa pambihirang performance sa UAAP Season 80 Finals na siya ang nagrehistro ng 13.1 puntos, 8.3 rebounds at 1.1 steals upang mabuhat sa kampeonato ang Blue Eaglets.
Magugunitang noong nakaraang taon ay lumipat ang PBA legend na si Danny Ildefonso bilang assistant coach sa Ateneo High School patungo sa kanyang alma mater na NU upang maging assistant coach ni Jamike Jarin sa college basketball team na Bulldogs.
Matapos iyon, lumipat din ang kanyang nakatatatandang anak na si Shaun sa NU mula naman sa Ateneo Blue Eagles college basketball team.
Ginugugol ni Shaun ngayon ang kanyang isang taong residency at inaasahang maglalaro na sa susunod na sa paparating na Season 81 ng UAAP kasama ang paparating na freshman na kapatid na si Dave.
Sasamahan nila ang mga bata rin ngunit palabang manlalaro ng NU na sina John Lloyd Clemente at Mattew Aquino sa misyon ng Bulldogs na makabalik sa Final Four.
Kinapos ang NU noong Season 80 bunsod ng 6-8 kartada sa kanilang unang taon sa ilalim ng coach na si Jarin. (JBU)