POSIBLENG napagkamalan ang isang 13-anyos binatilyo na ilang ulit pinagbabaril ng isang motorcycle rider sa Pasay City, kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Pasay City Police chief, Sr. Supt. Dionisio Bartolome, posibleng “mistaken identity” ang nangyari dahil may ibang nakatambay sa harap ng bahay bago pumalit ang biktimang si Jayross Brondial, ilang sandali bago mangyari ang pag-atake.
Dalawang tama ng bala sa ulo at sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang ikinamatay ni Brondial, residente sa Tramo at Inocencio streets, Brgy. 104, Pasay City.
Inaalam ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng nag-iisang gunman na nakasuot ng itim na helmet at jacket, at sakay ng pulang motorsiklo.
Ayon sa inisyal na ulat ng Pasay City Police, dakong 3:00 pm nang pagbabarilin ang biktima sa labas ng kanilang bahay.
Sa kuha ng CCTV camera ng barangay, nakaupo ang binatilyo sa labas ng kanilang bahay nang dumating ang suspek lulan ng motorsiklo, at pinaputukan ang biktima nang ilang beses.
Sinasabing iniligtas ni Brondial ang pamangkin niyang paslit upang hindi mahagip ng bala bago siya pagbabarilin ng suspek.
Sa kabila ng sugat, nakalakad pa nang ilang hakbang ang biktima bago tumumba sa kalsada ngunit muli siyang binaril nang ilang ulit ng suspek bago tumakas sa hindi batid na direksiyon.
Sinisilip ang paghihiganti bilang isa motibo dahil sangkot ang mga kapatid ng biktima sa tinatawag na ‘tutok kalawit’ modus o robbery-holdup.
Isa umano sa kapatid ng biktima ang hinuli kamakailan sa lungsod ng Makati. (JAJA GARCIA)