WALA pang isang taon ang relasyon ni Rachelle Ann Go sa American boyfriend niyang si Martin Spies ay nag-propose na kaagad ito sa kanya sa Boracay Island na kasalukuyang nagbabakasyon sila kasama ang pamilya ng dalaga.
Nakagugulat dahil mabilis ang pangyayari na ayon naman sa aming source ay, “super in love si Martin kay Rachelle.”
Habang isinusulat namin ang balitang ito ay wala pang sinasabi kung kailan ang kasal, saan gaganapin, at kung mananatili na si Rachelle Ann sa Amerika dahil doon base si Martin. Hindi kaya tinatapos na lang ni Rachel ang musical play niyang Miss Saigon sa Broadway New York City, USA at ang Hamilton play niya na gaganapin sa Victoria Palace Theater, London sa Disyembre 2017 bago sila magpakasal?
Huhulaan namin na baka sa 2018 o early 2019 ang kasal nina Rachelle at Martin dahil baka gusto na nilang bumuo ng pamilya dahil 31 years old na ang dalaga ngayong taon.
Anyway, aabangan na lang namin ang anunsiyo nina Rachelle Ann at Martin kung kailan sila ikakasal at kung saan.
I Love My Family
Medical Mission
ni Papa Ahwel,
dinagsa ng press
MARAMI na namang pinasayang entertainment press/bloggers/online writers si Papa Ahwel noong Linggo, Setyembre 10 para sa Medical Mission for the Members of Media na limang taon na niyang ginagawa sa De Los Santos Medical Center katuwang ang mga mababait at masisipag na doktor at staff ng nasabing hospital.
Ang hashtag ni Papa Ahwel na #I LoveMyFamily ay naging panata na niya para sa mga kasamahan niya sa media na sa sobrang abala sa kanilang mga trabaho ay hindi na naasikaso ang sariling kalusugan at huli na kapag nalamang maysakit sila.
Hindi na namin babanggitin kung sino ang mga natulungan niya sa mga kasamahan sa panulat in terms of hospital bills dahil katwiran niya, “wala namang magtutulungan kundi tayo-tayo rin sa media.”
Ang sarap ng medical mission ni Papa Ahwel dahil libre ang EENT, blood para malaman kung may diabetis o mataas ang cholesterol tulad namin, urine at uric, x-ray, dental services, ECG, Urology, OB-Gyne at doctors consultation para ipaliwanag ang resulta ng exams.
Ang pinakamasarap na parte ay libre ang almusal at tanghalian na luto ng mama at mga kapatid ni Papa Ahwel na nakikiisa rin para sa I Love My Family Medical Mission for the Media.
Gusto rin naming pasalamatan ang mga bumubuo ng De Los Santos Medical Center sa pangunguna nina Raul Pagdanganan, Presidente at CEO; Dr. Nilo de los Santos, Medical Director; Dr. Lysander Ragodon, Vice President, Business Planning; Noemi Irasusta, Vice President Finance; Oasis Dental Care, Ideal Vision Center, Brig. Gen. Reynaldo Torres DMD AVP Ancillary Services; at Dr. Carlos Marcillus Funelas, Asst. Vice President for Marketing na siyang umiikot sa lahat para i-assist ang mga katoto.
Nag-volunteer din ang kapatid ni Vice Ganda na si EENT doctor, Tina Viceral dahil napakinggan niya ang anunsiyo ni Papa Ahwel sa radio program nila ni katotong Jobert Sucaldito at gusto niyang tumulong din maski wala pang tulog ay dumiretso siya sa medical mission.
Mga awitin ni John
Melo, sikat pa rin
hanggang ngayon
BUKOD sa pagiging sikat na dentista sa San Francisco California, USA, si John Melo ay show producer na rin.
Katunayan, isa siya sa producer ng concert nina Kuh Ledesma, Zsa Zsa Padilla, Mitch Valdez, at Nanette Inventor na may titulong Diva 2 Diva na gaganapin sa Chabot Performing Arts Center, Hayward CA USA sa Nobyembre 3, 2017. At for tickets online ay maaring mag-log on sa https://www.jmeloentertainment.com/or call 415-747-7240.
Nakilala si Melo sa awiting Hanap-Hanap Kita na isinulat ni Vehnee Saturno at sumikat 25 years ago na hanggang ngayon ay pinatutugtog pa rin sa Spotify at Itunes kaya sa madaling salita, tanda pa rin siya ng tao lalo na ‘yung fans niya na hindi pa rin bumibitiw sa kanya.
Nagka-chat kami ni John sa FB at tinawagan kami para makipagkuwentuhan at humingi ng update sa showbiz at music industry.
Ikinuwento ni John na maski successful dentist na siya sa Amerika at may dalawang clinic doon ay hindi pa rin nakalilimutan ang industriyang una niyang minahal.
Nabanggit pa ni John na in two week’s time ay mapakikinggan na sa Spotify at Itunes ang unang Christmas song niya na si Vehnee rin ang sumulat.
At ngayong Nobyembre 2017 ay 25th year na ni John at plano niyang umuwi para iselebra ito kasama ang supporters niya na hindi pa rin siya nakalilimutan dahil hanggang ngayon ay nakaka-chat pa niya at kinukumusta siya at tinatanong kung kailan siya magso-show sa bansa.
Aniya, “ngayon lang ako sana babawi, magso-show sana ako para sa kanila (fans).”
Samantala, naiimbitahan si John mag-guest sa mga show ng mga local singers para sa mga kababayang Pinoy na roon na rin naninirahan.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan