MARAMI na namang pinasayang entertainment press/bloggers/online writers si Papa Ahwel noong Linggo, Setyembre 10 para sa Medical Mission for the Members of Media na limang taon na niyang ginagawa sa De Los Santos Medical Center katuwang ang mga mababait at masisipag na doktor at staff ng nasabing hospital.
Ang hashtag ni Papa Ahwel na #I LoveMyFamily ay naging panata na niya para sa mga kasamahan niya sa media na sa sobrang abala sa kanilang mga trabaho ay hindi na naasikaso ang sariling kalusugan at huli na kapag nalamang maysakit sila.
Hindi na namin babanggitin kung sino ang mga natulungan niya sa mga kasamahan sa panulat in terms of hospital bills dahil katwiran niya, “wala namang magtutulungan kundi tayo-tayo rin sa media.” Ang sarap ng medical mission ni Papa Ahwel dahil libre ang EENT, blood para malaman kung may diabetis o mataas ang cholesterol tulad namin, urine at uric, x-ray, dental services, ECG, Urology, OB-Gyne at doctors consultation para ipaliwanag ang resulta ng exams.
Ang pinakamasarap na parte ay libre ang almusal at tanghalian na luto ng mama at mga kapatid ni Papa Ahwel na nakikiisa rin para sa I Love My Family Medical Mission for the Media.
Gusto rin naming pasalamatan ang mga bumubuo ng De Los Santos Medical Center sa pangunguna nina Raul Pagdanganan, Presidente at CEO; Dr. Nilo de los Santos, Medical Director; Dr. Lysander Ragodon, Vice President, Business Planning; Noemi Irasusta, Vice President Finance; Oasis Dental Care, Ideal Vision Center, Brig. Gen. Reynaldo Torres DMD AVP Ancillary Services; at Dr. Carlos Marcillus Funelas, Asst. Vice President for Marketing na siyang umiikot sa lahat para i-assist ang mga katoto.
Nag-volunteer din ang kapatid ni Vice Ganda na si EENT doctor, Tina Viceral dahil napakinggan niya ang anunsiyo ni Papa Ahwel sa radio program nila ni katotong Jobert Sucaldito at gusto niyang tumulong din maski wala pang tulog ay dumiretso siya sa medical mission.
FACT SHEET
ni Reggee Bonoan