MATAPOS ang 17 taon, nagdesisyon nang isabit ni Mick Pennisi ang kanyang jersey sa PBA.
Nagretiro na kamakalawa ang sentro ng Globalport Batang Pier matapos ang 119-112 panalo nila kontra TNT KaTropa sa Antipolo City.
Ang kaliweteng sentro ay malapit na sanang umabot sa 5,000-point club ngunit kinapos dahil sa kanyang poultry business sa Thailand.
Kulang na lamang sa 33 puntos, nagretiro na si Pennisi at iniwan sina Jayjay Helterbrand, Asi Taulava at Dondon Hontiveros bilang mga natitirang manlalaro na nasa 40 anyos pataas.
Ang 42-anyos na si Pennisi ay nag-kampeon nang limang beses sa kanyang karera — 3 sa Red Bull at 2 sa San Miguel.
Naglaro rin si Pennisi para sa Barako, Star, Phoenix at huli nga ay sa Globalport.
Nagrehistro siya ng 7.6 puntos, 5.3 rebounds at 1.2 assists sa 35 porsiyentong tikada mula sa tres sa kanyang 17-taong karera.
Kabilang si Pennisi ng natatanging walong manlalaro na nakapagbuslo ng 700 o higit pang tres sa kasaysayan ng PBA. (JBU)