SA paglipas ng panahon, hindi pa rin nagbabago ang opinyon ng itinuturing na Greatest of All-Time o GOAT na si Michael Jordan tungkol sa debate sa pagitan ng mga sumalo ng kanyang trono at nabansagan ding pinakamalupit na karibalan sa NBA sa pagitan nina LeBron James at Kobe Bryant.
Noong 2013, panahon na isa pa lamang ang kampeonato ni James at hindi pa nagreretiro si Bryant na may 5 kampeonato, iginiit ni Jordan na angat pa rin sa kanya ang Lakers legend dahil sa bilang ng kampeonato.
Buhat noon, nagkampeon nang muli si James nang dawang beses upang tumatlo ng titulo habang natengga si Bryant sa lima ngunit iisa pa rin ang pahayag ng alamat ng Chicago Bulls na si Jordan.
Aniya, panis pa rin ang tatlong singsing sa lima – bagay na lamang si Bryant.
Sa nakalipas na mga taon at dekada lalo nang magretiro na si Jordan, ang pangalan nina Bryant at James na ang pumalit at naging bukambibig ng tao kung sino ba ang papalit sa trono ni Jordan.
Nag-kampeon si Jordan nang anim na beses sa anim na salang sa Finals. Wala siyang talo, walang dungis. Si Bryant naman ay may 5-2 Finals na nagretiro na noong nakaraang taon. Si James na lang ang natititrang nakatayo. Rumekta na siya sa 7 sunod na Finals, 8 sa kabuuan ngunit 3 beses pa lamang ang nagkampeon.
At habang hindi nadaragdagan ang singsing ni James sa kamay, waring mananatiling nasa ibaba siya ni Bryant at Jordan, ayon mismo sa GOAT na siya niya ring pinipilit habulin bago isabit ang mga sapatos sa pagdating ng araw. (JBU)