MAGHAHATI ng trabaho sina Gilas Pilipinas coach Chot Reyes at assistant coach Jong Uichico sa paparating na Southeast Asian Games at FIBA Asia Cup.
Dahil magpapang-abot ang SEAG at FIBA Asia sa Agosto, tulad ng mga manlalaro ay mahahati rin ang coaching staff ng Gilas, ayon kay Nelson Beltran ng Philippine Star.
Si Coach Uichico ang magiging punong-gabay ng Gilas para sa SEAG sa Kuala Lumpur, Malaysia na gaganapin mula 19-30 Agosto habang si Coach Reyes naman ang babandera sa FIBA na mangyayari mula 8-20 Agosto sa Beirut, Lebanon.
Naging coach na ng Pinas si Uichico sa 2013 SEAG sa Myanmar na nagwagi din ang bansa ng gintong medalya.
Gagabayan ni Uichico sa SEAG ang mga manlalaro ng Gilas na sina Kiefer Ravena, Kevin Ferrer, Mike Tolomia, Carl Bryan Cruz, Almond Vosotros, Raymar Jose, Kobe Paras, Rayray Parks Jr., Baser Amer, Troy Rosario at Chrisitan Standhardinger.
Bagamat hindi pa naisasapinal ang koponan, pangungunahan ng mga beterano ng PBA ang FIBA Asia Cup kasama si Reyes.
Sa kasalukuyan ay nakikipagsagupa pa sina Reyes at Uichico kasama ang Gilas sa 39th William Jones Cup sa Taiwan.
ni John Bryan Ulanday