ALAM ba ninyo na mga duwag ang mga damuhong miyembro ng Maute group at hindi nila kayang lumaban sa puwersa ng gobyerno nang sila-sila lang?
Ang matindi nito, ginagamit ng mga hinayupak ang kanilang mga bihag, pati ba naman ang mga kabataan, ay pinupuwersang lumaban para sa kanila.
Paano makatatanggi ang mga bihag kung sa harap nila ay pinapaslang ang anim sa kanilang mga kasamahan na ayaw makisali para tumulong laban sa gobyerno?
Lutang na lutang dito ang malupit na estilo ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS) na idolo ng Maute group at nagpopondo sa pananakop na ginawa nila sa Marawi at paglaban sa gobyerno.
Pinupugutan ng ISIS ang mga kawawang bihag na hindi nila kapanalig sa paghahasik ng lagim at ipinalalabas ito sa social media. Kahit kapwa Muslim ay hindi nila pinaliligtas at pinapaslang din.
Sinisilaw ng Maute ng pera ang ibang mahihirap nilang bihag para sumali sa pag-atake nila sa puwersa ng gobyerno sa nagaganap na digmaan sa Marawi City.
Ayon sa isang opisyal ng gobyerno, ang iba ay sinusuweldohan ng Maute ng P12,000 para lumaban sa gobyerno.
Sa totoo lang, pinupuwersa nila ang mga bihag na sumali sa kanilang laban dahil malaki na ang nabawas sa kanilang puwersa mula nang makipagbakbakan sila sa gobyerno noong Mayo 23. Ang katotohanan, habang nagdaraan ang mga araw ay pahina nang pahina at paubos nang paubos ang kanilang puwersa.
Ayon nga kay Joint Task Force Marawi spokesman Lt. Col. Jo-ar Herrera, ang natitira sa mga teroristang Maute na tinutugis ng pamahalaan ay higit-kumulang 80 na lamang.
Nakakalat silang nakapuwesto sa ilang daang gusali na matatagpuan sa business district ng Marawi City na iniisa-isang pasukin ng militar.
Nag-iingat nga lamang ang mga sundalo dahil ang mga sniper ay nakapuwesto sa matataas na lugar kaya nagsasagawa sila ng air strikes. Ito ang pangontra nila sa mga sniper dahilan kaya bumabagal ang pagkilos ng militar.
Ang masaklap nga lamang ay dalawang beses nang pumalpak ang air strikes ng militar.
Una noong Mayo nang hindi tinamaan ang target at ang nadale ay mga kawal na nasa lupa.
Nagresulta ito sa pagkasawi ng 10 sundalo at pagkasugat ng pitong iba pa.
Ang pangalawa ay naganap ilang araw lang ang nakalilipas nang hindi tamaan ng bomba ang target nito at sa halip ay sumabog sa ilang estruktura na gumuho. Nasawi ang dalawang sundalo nang mabagsakan ng pader, mga mare at pare ko, at nasugatan ang 11 iba pa.
Pag-ingatan!
BULL’S EYE – Ruther Batuigas