NAGKAROON kami ng intimate lunch kay Chief Operating Officer na si Cesar Montano at ang mga director ng Tourism Promotion Board. Gusto na nilang mag-move on sa intrigang kinasangkutan ng TPB. Wala namang basehan at hinahamon ni Cesar na lumantad ang nagrereklamo at ‘wag magtago.
“Hindi puwedeng nakatago sila para mademanda rin sila. Ang dami nilang sinirang tao, eh.
“First, nakakahiya rito sa Viva, sinabi niya ‘yung JaDine (US tour concert) ay may kontrata na. Wala pang kontrata. Na-involved pa,” deklara niya.
Inamin naman ni COO Cesar na may offer proposal sa naturang proyekto. Maganda naman ang objective dahil iikot ang JaDine sa Amerika. Isa sa prioridad niya na mai-promote ang tourism sa US kasama ang China, Korea, Taiwan, at Japan. ‘Yan ang mga gusto niyang alagaan sa TPB dahil ‘yan ang mga major country na nagdadala ng tourism sa bansa.
Naniniwala si Cesar na maipo-promote ang tourism sa show ng JaDine dahil ang mga Filipino na manonood ay extension ni Montano at ng Tourism Promotion Board para hikayatin ng mga Filipino ang mga foreigner na dumalaw sa ating bansa.
Pinag-uusapan pa lang ‘yung proposal sa JaDine pero may nanira na at ayaw pang magpakilala. Sayang dahil iikot ito hanggang Middle East at mga 12 show ito. Kumbaga, mura ang magagastos ng TPB dahil mga 60% foreigners ang manonood.
Sinabi pa ni COO Cesar na dumadaan sa proseso ang mga pinakakawalang budget sa proyekto. Hindi siya pumipirma hangga’t hindi rin inaaprubahan ng board at komite. Hindi puwedeng siya lang ang mag-approve.
Aminado rin si COO Cesar na ibang klase ang intriga sa mundong ginagalawan niya ngayon kompara sa showbiz. Hindi nakatutuwa.
“Hindi naman natin kilala ‘yung umaaway sa atin, paano naman natin sasagutin? Mahirap makipag-away sa mga hindi nagpapakita, nasa dilim, ‘di ba? Ang umaaway sa ‘yo na nasa kadiliman, hindi mo maaway.. nasa dilim siya, eh samantalang tayo nasa liwanag. Ang makakapansin lang niyon ay nasa dilim din. Siguro nagkita-kita sila sa dilim. Pero tayo, our business is to promote tourism. Let’s stick to that. Kung sinuman ‘yung naninira na ‘yun, hayaan na natin siya. Let’s move on dahil marami pa kaming idi-discuss para sa TPB,” makahulugan niyang pahayag.
Samantala, may proyekto rin si COO Cesar katuwang si Chairman Liza Dino ng Film Development Council Of The Philippines (FDCP) na suportahan ang entries na ilalahok sa legit na film festival abroad gaya ng Cannes, Hongkong Festival, etc. na ipino-promote ang tourism sa bansa. Instead na naipo-promote ang mga lugar na hindi natin gustong ipakita sa ibang bansa, kailangang bigyan sila ng budget na mag-shoot sa places na magaganda na puwedeng pasyalan ng foreigners ‘pag nakita. Pero isinasaalang-alang din na dapat develop ang naturang lugar, may hotel na matutuluyan, malapit sa transportasyon para maengganyo ang mga turista.
TALBOG – Roldan Castro