BAKIT nga ba ginagawan pa nila ng kung ano-anong alibi eh noon pa mang una ay narinig na namin ang isang inside info na hindi naman talaga si Aga Muhlach ang itatambal nila sa pelikula ni Dayanara Torres kundi si Piolo Pascual. Ang narinig naming dahilan noon ay dahil hirap kasing magpapayat si Aga, isa pa, malaki ang talent fee ni Aga.
Bakit hindi na lang sabihin nang diretsahan na si Piolo ang makakasama ni Dayanara sa pelikula. Bakit kailangang magpaduda pa na gagawin sana ang pelikula kasama si Aga?
Ano iyan, publicity slant?
Film development, ‘di uubra
IPINIPILIT nila ngayon na ang mga pelikulang “indie” kahit na hindi kumikita ay ipalabas sa mga sinehan. Gusto nilang palabasin na iyon ay bahagi ng “film development”. Paano mong pipilitin ang sinehan na ilabas ang pelikulang hindi kumikita, eh ‘di nalugi naman sila. Alalahanin sana nila na ang sinehan ay bahagi rin ng industriya. Nagbabayad din iyan ng malaking tax. Malaki rin ang puhunan para makapagpatayo ng isang sinehan.
Paano namang kikita ang mga pelikulang indie, kung ang pagkakagawa niyon ay hindi gusto ng publiko na siyang nagbabayad para manood ng sine? Paano silang kikita kung ang mga sikat at magagaling na artista ay napapanood sa mga teleserye ng sama-sama, tapos iyong mga pelikulang indie, kung sino-sinong hindi naman kilala ang artista?
Sinasabi nila na ang mga pelikula nilang indie ang nananalo ng awards sa abroad. Doon pala nagugustuhan eh, bakit hindi sila humanap ng playdate sa abroad? Bakit doon ay hindi nila maikuha ng distribution ang kanilang pelikula o mailabas kahit na sa cable lamang? Bakit sa abroad, mailabas man sila ay nasa “single screening” o iyong tinatawag na “blocked screening” lamang.
Paano ninyo kami makukumbinsing magbayad ng mahigit na P200 para panoorin ang mga pelikulang alam naman naming tinipid ang pagkakagawa, at hindi namin gusto ang pagkakagawa? Ipilit ninyo iyan at lalong lalakas ang foreign movies, na nangyayari na ngayon.
Aba, eh talo pa ninyo ang martial law. Kahit na noong panahon ng martial law hindi naman idinikta sa mga tao kung anong pelikula lang ang dapat nilang panoorin. Lalong hindi sila pinipilit na manood ng sine. Ano kayo sinusuwerte?
Itong mga bagong leader ng industriya, mag-isip nga kayo. Bago pa lang kayo sa industriyang ito. Uhugin pa lang kayo naririto na kami, at alam naming hindi uubra iyang gusto ninyong mangyari. Film development? Pwe!
HATAWAN – Ed de Leon