Monday , December 23 2024

Ahas sa palasyo

UMALINGASAW ang lihim na pagtatagpo kamakailan ng isang mataas na Malacañang official at isang kontrobersiyal na Metro Manila Mayor sa restaurant ng isang kilalang 5-star hotel sa Maynila.

Narinig na pinag-uusapan ng dalawa ang kasong plunder sa Sandiganbayan.

Ipinakikiusap raw ng alkalde sa mataas na opisyal ng Palasyo na kung maari ay idiga nito kay beloved Pres. Rodrigo R. Duterte na impluwensiyahan ang Sandiganbayan para mapalaya ang akusadong nililitis sa kasong pandarambong.

Hindi pa man ay may mga gago nang nais sumabotahe sa ilalargang kampanya ni Pres. Digong at ng administrasyon kontra katiwalian.

Bale ba, ayon sa intelligence report, ang alkaldeng kausap ng Malacañang official ay nakipag-blood compact sa mga ‘dilawan’ at nangako ng 10,000 katao para suportahan ang mga ilulunsad na kilos protesta para pabagsakin si beloved Pres. Digong sa puwesto.

Habang maaga ay dapat alamin ni Pang. Digong kung sino ang traydor at damuhong pangahas sa kanyang paligid na nakikipag lips-to-lips sa alkalde na kasamang minura ni beloved Pres. Digong sa Malakanyang.

PNP VS. NBI

GUMUGULO yata ang takbo ng imbestigasyon sa kaso ng pagdukot at pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick-joo kaya’t masyado pang maaga para ituring na lutas na ang krimen.

Posible na kahit ang biyuda mismo ng biktima na si Choi Kyung Jin ay nalilito sa magkaibang bersiyon sa magkakahiwalay na imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP), Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI).

Kaya naman marami pang lalabas na kuwento sa “tokhang for ransom” na pinaniniwalaang matagal nang modus sa pagpapayaman ng mga tiwaling opisyal at miyembro ng PNP.

Hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dating pulis na si Gerardo Santiago, may-ari ng Gream Funeral Homes at kasalukuyang Barangay chairman sa Caloocan.

Si Santiago at ang kanyang maybahay ay nakabalik na ng bansa mula Canada noong Huwebes.

Itinanggi ni Santiago na sangkot siya sa krimen ng pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Koreano at nagsabing handa niyang ipagtapat ang buong katotohanan sa pangyayari.

Subaybayan!!!

SELECTIVE SI SOTTO

TUMIRADA na naman ng dispalinghado si Sen. Vicente “Eat Bulaga” Sotto III sa isinagawang imbestigasyon ng Senado sa kaso ng pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Koreano noong nakaraang linggo.

Sabi ni Sotto, dapat daw maging ‘eye opener’ sa liderato ng PNP ang pagkakatalaga kay PO3 Ricky Sta. Isabel sa Anti-Illegal Drugs Group (AIDG) ng PNP.

Ang mga tulad raw kasi ni Sta. Isabel na nadawit noon sa kasong kidnapping ay hindi dapat naitatalaga sa mga sensitibong unit ng PNP, ani Sotto.

Tumpak sana si Sotto kung wala siyang pinipili.

Pero kung hindi malilimutin o selective si Sotto, sana ay naitanong niya rin kung paano at bakit naitalaga sa puwesto si S/Supt. Glenn Dumlao bilang hepe ng PNP Anti-Kidnapping Unit.

Sakali ay ipinaaalala lang natin kay Sotto na noong si ousted president at convicted plunderer Joseph “Erap” Estrada na kanyang sanggang-dikit ang nakaupo sa Malakanyang ay si Dumlao ang deputy chief for operations ng Presidential Anti-Organized Crime Task Force (PAOCTF)-Luzon.

Kabilang si Dumlao sa 22 unang kinasuhan sa Dacer-Corbito double murder case noong 2001.

Ang dating journalist turned publicist na si Bubby Dacer at kanyang driver na Emmanuel Corbito ay dinukot noong Nov. 24, 2000. Natagpuan ang natirang abo ng sinunog nilang labi sa Cavite noong April 2001.

Base sa unang imbestigasyon, si Dumlao umano ang nag-utos ng patayin sina Dacer at Corbito, ilang oras pagkatapos silang dukutin sa pagitan ng Maynila at Makati.

Base sa una niyang sinumpaang salaysay noong June 2001, itinuro ni Dumlao sina Erap at si dating PNP at PAOCTF chief Sen. Panfilo Lacson na posibleng may kinalaman sa krimen.

Idinawit din ni Dumlao sina dating police intelligence officer Michael Ray Aquino at dating Senior Supt. Cezar Mancao II, na kilalang malalapit kay Lacson, na kabilang sa mga nagplano ng pagpatay kay Dacer at sa driver nitong si Corbito.

Noong May 2003, tumakas si Dumlao palabas ng bansa.

Kapwa naaresto sina Mancao at Dumlao sa Estados Unidos ng America, at noong July 26, 2009 ay ipinatapon sila pabalik dito.

Hindi ba nagtaka si Sotto na si Dumlao na ngayon ay hepe ng PNP Anti-Kidnapping Unit ang nag-iimbestiga sa kaso ng pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Koreano?

Sabi nga, iba raw ang tinitingnan kaysa tinititigan.

(Para sa anumang sumbong at reaksiyon, mag-text o tumawag sa 09174842180. Maaring ipadala ang inyong liham sa e-mail address: [email protected])

KALAMPAG – Percy Lapid

About Percy Lapid

Check Also

Sipat Mat Vicencio

Pagkikita nina Isko Moreno at Nelson Ty

SIPATni Mat Vicencio NAGKITA na nga sina dating Manila Mayor Isko “Yorme” Moreno at dating …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Kita ng TODAs, lumiit sa pagdami ng MC taxi

AKSYON AGADni Almar Danguilan MASYADO na palang bumaba o lumiit ang kita ng mga tricycle …

Firing Line Robert Roque

Gunning for amendments

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. ISINUSULONG ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa ang mga …

Aksyon Agad Almar Danguilan

Seguridad ng QCitizens  sa ‘Misa De Gallo’   tiniyak ni Buslig

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAG-UMPISA na ang ‘Misa De Gallo’ na mas kilala na ngayon …

Firing Line Robert Roque

3 araw ng Metro road deaths

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. BINIGLA ang Metro Manila ng serye ng mga pagkamatay …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *